PAPAYAGAN pa rin ang mga traditional jeepney na nabigong i-consolidate ang kanilang mga prangkisa ngayong buwan na pumasada sa mga piling ruta hanggang Enero 31, 2024, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Naunang sinabi ng mga awtoridad na maaaring mawalan ng permit para makapag-operate ang mga traditional jeepney kapag nabigo silang i-consolidate ang individual franchises sa isang single franchise sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon hanggang Disyembre 31, 2023 bilang bahagi ng public utility vehicle (PUV) modernization program.
Subalit sa pinakahuli nitong memorandum, sinabi ng LTFRB na ang non-consolidated individual operators ay papayagang pumasada sa mga ruta kung saan wala pang 60 percent ng jeepneys ang consolidated.
Ang LTFRB board ang magdedetermina sa naturang mga ruta.
Sa panahong ito, sinabi ng LTFRB na maglalabas ng show cause order sa non-consolidated drivers at operators.
“Those who fail to comply with the Dec. 31 deadline shall no longer be allowed to organize into a juridical entity or join existing consolidated TSEs (transport service entities),” dagdag pa ng ahensiya.
Nauna nang nagbabala ang mga transport group sa posibleng transport crisis kapag pinuwersa ang libo-libong traditional jeepneys na tumigil sa pagpasada dahil sa kabiguang mag-consolidate.