(Hanggang Hunyo 30) LIBRENG SAKAY SA MRT-3 PINALAWIG

MRT-3-6

MULING pinalawig ng Depart- ment of Transportation (DOTr) ang libreng sakay sa Metro Rail Transit (MRT) line 3.

Maaaring i-avail ng mga pasahero ang Free Ride Program hanggang sa Hunyo 30, mula alas-4:40 ng umaga hanggang alas-10:10 ng gabi.

Ang libreng sakay sa MRT-3 ay unang ipinatupad noong Marso 28, 2022 hanggang Abril 30, 2022. Pinalawig ito hanggang Mayo 30, 2022 upang makatulong sa publiko sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at bilihin, at bilang selebrasyon na rin sa nakumpletong rehabilitasyon ng tren.

“Layon ng Department of Transportation, sa pangunguna ni Secretary Art Tugade at ng DOTr MRT-3 management, na patuloy na makapaghatid ng tulong sa ating mga kababayang patuloy na naaapektuhan ng pagtaas ng mga bilihin at krudo,” sabi ng DOTr sa isang statement.

Ayon kay MRT OIC General Manager Michael Capati, ang programa ay nagbigay benepisyo sa 15,730,000 commuters mula Marso 28 hanggang Mayo 28.

Sa pagtaya ng DOTr ay nasa P286 million ang nawalang kita mula sa programa, subalit tiniyak ng ahensiya na hindi ito babawiin sa iba pang public transport fares.