TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan na mananatili sa Batasang Pambansa sa Quezon City ang 140 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF).
Aniya, ang presensiya ng SAF sa lugar ay upang mapanatili ang peace and order habang tinatalakay ng mga mambabatas ang 2021 National Budget.
Ang mga miyembro ng SAF ay ideneploy sa Batasang Pambansa noong Lunes matapos na magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session para pag-usapan ang national budget.
Ayon naman kay SAF Director Maj. Gen. Bernabe Balba, augmentation force lang ang PNP-SAF sa Quezon City Police District na silang nakakasakop sa lugar.
Giit ni Balba, bahagi ng kanilang regular function ang pagtatalaga ng mga pulis sa mga vital government installation.
Sa katunayan, aniya, hindi naka-full battle gear ang mga miyembro ng SAF na nakatalaga sa Batasang Pambansa.
Sinabi naman ni Lt Col Romulos Gadaoni, Batasan Police Station 6 Commander na mapayapa ang sitwasyon sa Batasang Pambansa kahit pa sa panahon ng pagluklok kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang bagong Speaker of the house of Representatives.
Sinabi nito, mayroong mga cause oriented group ang nagsagawa ng rally pero umalis din matapos ang kanilang maikling programa.
Sumunod din daw ang mga raliyista sa health at safety protocols dahil sa COVID-19 pandemic. REA SARMIENTO
Comments are closed.