MULING binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon para sa consolidation sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP) ng pamahalaan hanggang Nobyembre 29.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na ang unconsolidated public utility vehicle drivers at operators ay maaari na ngayong maghain ng aplikasyon para sa consolidation sa ilalim ng PTMP, dating kilala bilang PUV Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Guadiz, muli niyang binuksan ang aplikasyon sa loob ng 45 araw bilang tugon sa kahilingan ng Senado.
“Binuksan ko ulit po ang consolidation ngayon,” ani Guadiz.
“I only gave them 45 days. Alinsunod din ito sa request ng Senado noong nagpasa sila noong una ng resolution na sinasabing i-defer namin. Ang concession ko sa kanila bubuksan ko po muli pero 45 days lang,” dagdag pa niya.
Ayon kay Guadiz, ang muling pagbubukas ng PUV consolidation ay nagsimula noong Oktubre 15, na nangangahulugan na ang deadline ay sa Nob. 29.
Gayunman, nilinaw ni Guadiz na ang unconsolidated PUV drivers at operators ay pinapayagan lamang lumahok sa mga umiiral na kooperatiba at hindi sila maaaring bumuo ng sarili nila.
Hinikayat niya ang unconsolidated PUV drivers at operators na sumalo sa modernization program ng pamahalaan para makatanggap ng mga benepisyo tulad ng P10,000 para sa fuel subsidy, at P15,000 hanggang P20,000 para sa service contracting sa Libreng Sakay program.
Matapos ang April 30 deadline para sa consolidation, paunang sinabi ng LTFRB na ang unconsolidated PUVs ay ituturing nang kolorum o nag-o- operate nang walang prangkisa.
Gayunman, pinayagan ng LTFRB ang unconsolidated jeepneys at UV Express units na mag-operate sa mahigit 2,500 ruta nq may mababang consolidation rates.
Hanggang Setyembre, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na 83% ng public utility vehicles ang na-consolidate na.