(Hanggang Pebrero 15) RENEWAL NG BUSINESS PERMITS PINALAWIG

RIZAL- SA hangaring umasenso lalo ang negosyo sa baybaying bayan na higit na kilala bilang Arts Capital of the Philippines, pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Angono ang deadline para sa pagrerehistro at renewal ng mga negosyo na sa pamamagitan ng ‘ONE STOP SHOP’ para sa Business Permits.

Sa pahayag ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon, inatasan nito ang Business Permits and Licensing Office na huwag patawan ng multa ang mga establisimiyento kung hindi umabot sa Enero 31 deadline para sa renewal ng kani-kanilang negosyo.

Ang dahilan , pinagtibay na ng Sangguniang Bayan ang isang resolusyon nagbibigay sa mga negosyante hanggang Pebrero 15 para makapag-apply at makapag-renew ng business permits.

Para sa alkalde, angkop lang na bigyang-luwag ang mga negosyanteng aniya’y inilugmok ng limitado, kung hindi man tigil-operasyon sa nakalipas na dalawa’t kalahating taon.

Panawagan pa ni Calderon sa mga negosyante, samantalahin ang mga insentibong alok ng Business One-Stop Shop kung saan mas mabilis kesa karaniwan ang proseso ng pagrerehistro o renewal ng business permits ng mga establisimiyento.

“What usually takes them an entire day or two, matatapos nila in an hour,” sambit pa ng punongbayan.
ELMA MORALES