INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang huling araw ng pagkakaroon ng 20% diskuwento sa pagbabayad ng prompt at advance taxes ay sa Huwebes, December 10.
Ayon sa alkalde, nagpasya ang city treasurer’s office sa ilalim ni Jasmin Talegon na ipagpatuloy ang operasyon ng kanilang tanggapan upang tumanggap ng bayad kahit pa Holiday kahapon upang mabawasan ang inaasahang pagdagsa ng mga last-minute real property tax (RPT) payments.
Inabisuhan ni Moreno ang publiko na dalhin ang kanilang huling RPT payment receipt at magsuot ng face masks at face shields para makapasok sa Manila City Hall.
Sinabi pa ni Moreno na ang deadline para makuha ang 20 percent discount sa kabuuang buwis na babayaran ay hindi na palalawigin pa dahil sinusunod ng pamahalaang lokal ang payment schedule base sa ordinansang ipinasa ng Manila City Council sa ilalim ni Vice Mayor at presiding officer Honey Lacuna.
Ang nasabing diskuwento ang pinakamalaking ibinigay ng lungsod. Sakop nito ang advanced payments para sa isang buong taon at nagsimula sa unang linggo ng Nobyembre.
Ipinaliwanag pa ni Talegon na ang advance payments ay ang pagbabayad isang taon bago ang nakatakdang petsa habang ang prompt payments naman ay pagbabayad bago ang mismong itinakdang petsa.
Ang bagong schedule ng mga diskuwento ay kinabibilangan ng staggered payments o utay-utay na pagbabayad sa mga delingkuwenteng accounts. Sakop nito ang real properties na kinabibilangan ng land, building, machinery at iba pang improvements.
Pero kung ang annual realty taxes ay binayaran naman ng buo mula sa petsang December 11 – 29, 2020, ang tax discount ay 15 percent lamang at kung ito naman ay binayaran din ng buo mula sa petsang January 1 hanggang 31 ng susunod na taon ang diskuwento ay 10 percent lamang.
Ang mga prompt payments ay pinagkakalooban din ng 10 porsiyentong diskuwento.
Binigyang diin ni Talegon na ang mga nasabing diskuwento ay ibinibigay lamang sa mga properties na walang mga pagkakautang. VERLIN RUIZ
Comments are closed.