(Hanggang sa Disyembre) WALANG PAGTAAS SA PRESYO NG BASIC GOODS

basic goods

HINDI magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng basic necessities and prime commodities hanggang katapusan ng 2023, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa isang press briefing, sina­bi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na nagkasundo ang mga manufacturer na ipagpaliban ang anumang price hike hanggang katapusan ng taon.

“What happened was, we had a meeting with manufactu­rers. There were at least six, who had earlier submitted requests for price adjustments, who said that they’re withdrawing their requests,” ani Pascual.

Aniya, naimpluwensiyahan ng anim na manufacturers, na binawi ang kanilang kahilingan para sa taas-presyo, ang iba pa kaya nagkaisa sila na huwag muna itong ituloy hanggang katapusan ng 2023.

Ayon kay Trade Assistant Secretary and Consumer Protection Group officer-in-charge Mary Jean Pacheco, ang anim na kompanya na iniatras ang kanilang apela ay ang mga manu­facturer ng bottled water, condiments, tinapay, asin, sardinas, at toilet soap.

Napag-alaman na humihirit ang mga manufacturer na itaas ang suggested retail price sa gitna ng pagmahal ng raw materials, fuel, at iba pa.

Gayunman, sinabi ni DTI-Consumer Protection and Advocacy Bureau Marcus Valdez II na wala silang nakikitang dahilan para aprubahan ang taas-presyo.

“The August 2023 price of fuel is still lower than August 2022 prices of fuel,” ani Valdez.