(Hanggang sa katapusan ng taon – DTI) WALANG PRICE HIKES SA BASIC GOODS

MALABO nang magkaroon ng price hikes sa basic goods and prime commodities sa nalalabing mga araw ng 2023, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ito’y sa kabila ng mga nakabimbing kahilingan para sa taas-presyo mula sa mga manufacturer.

Sinabi ni DTI Assistant Secretary for Consumer Protection Group Amanda Nograles na may 18 manufacturers ang humihirit ng  price increases para sa  63 produkto o stock-keeping units.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng iba’t ibang brands ng canned sardines, canned meat, coffee, processed milk, bread, instant noodles, bottled water, condiments, toilet soaps at batteries.

Subalit sinabi ni Nograles na pumayag na ang naturang mga manufacturer na ipagpaliban ang pagtataas ng presyo hanggang sa katapusan ng taon.

“With the personal appeal made by Secretary (Alfredo) Pascual, the manufacturers have agreed not to raise their prices until December, so maaasahan natin ‘yung commitment na ‘yun. (Yung) isa pa nga po ay nag-withdraw ng standing request nila for the price adjustment,” ani Nograles.

Subalit sinabi niya na hahanap sila ng mga paraan para matulungan ang mga manufacturer na mapababa ang kanilang  production at  operating costs. Halimbawa, aniya, ay ang pagsuporta ng DTI sa Executive Order 41 o ang suspensiyon ng pangongolekta ng pass-through fees. “‘ Yan, malaking tulong ‘yan sa mga manufacturers natin na makababa ng operating cost nila,” dagdag ni Nograles.