(Hanggang sa susunod na anihan – DA) SUPLAY NG BIGAS STABLE

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na magiging matatag ang suplay ng bigas hanggang sa susunod na anihan sa March o April 2024.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang bansa ay may  stable local production ng bigas, na inaasahang papalo sa kabuuang 20 million metric tons (MT) bago matapos ang taon.

Naunang umangkat ang Pilipinas ng 295,000 MT ng non-basmati white rice mula India. Nakatakdang dumating ang paunang 95,000 MT ngayong buwan, habang ang nalalabing import ay inaasahang darating sa Enero.

Sinabi ng DA na bukod dito, ang bansa ay may 3.03 million MT ng imported rice, hanggang katapusan ng Nobyembre.

“Matatag naman iyong ating local production. So, at the end, we’re expecting na [ang] national stock inventory natin by the end of December…is enough na maitawid natin hanggang sa susunod na harvest season come March or April,” sabi ni De Mesa.

Aniya, ang mga karagdagang imports ay karaniwang dumarating sa  first quarter ng 2024.

Sa latest monitoring ng DA, ang umiiral na retail price ng well-milled rice ay nasa P51-P52 kada kilo.