(Hangga’t ‘di ibinabawal ng batas) PACQUIAO ‘DI TITIGIL SA RELIEF AT GIFT-GIVING ACTIVITIES

TINIYAK ni presidential aspirant Senator Manny Pacquiao na hangga’t hindi ipagbabawal ng batas ang pamimigay ng regalo at relief sa mga mahihirap at nangangailangan, hindi ito titigil sa pagkakawanggawa.

Sinabi ni Pacquiao na matagal na siyang namimigay ng pera at relief goods. “Itong ginagawa ko na ito hindi ito pamumulitika kundi ginagawa ko na po ito noon pa, 2002 pa namimigay na ako ng pera at relief goods sa ating mga kababayang nangangailangan. At least maganda naman po ‘yan dahil namimigay ako at hindi nagnanakaw,” ayon kay Pacquiao.

Binigyang diin ni Pacquiao na walang public funds na ginagamit sa pamimigay ng regalo o pera kundi mula sa sarili niyang dugo at pawis.

Bukod sa mga de lata, bigas, instant noodles, at manok, namimigay rin si Pacquiao ng P1,000 cash sa relief activities para may magamit din na pambili ng gamot.

Matatandaan na hinamon ni Pacquiao ang mga kandidato na ibahagi ang kanilang kayamanan sa mahihirap dahil kapag nakakapuwesto ang karamihan sa mga pulitiko ay nakakalimutan na nila ang mga tao. Maganda siguro magkaroon tayo ng ayuda challenge para sa lahat ng tumatakbo, para makinabang naman ang mga Pilipino,” dagdag ni Pacquiao.