HANGZHOU ASIAN GAMES IPINAGPALIBAN

Abraham Tolentino

HINDI matutuloy ang Hangzhou 19th Asian Games sa Setyembre dahil sa COVID-19 omicron variant pandemic situation sa China, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Sinabi ni Tolentino na ang desisyon na ipagpaliban ang Games ay nabuo matapos ang pagpupulong ng mga opisyal ng Chinese Olympic Committee (COC) at ng Hangzhou Asian Games Organizing Committee (HAGOC) kasama ang mga miyembro ng Olympic Council of Asia (OCA) Executive Board nitong Biyernes sa Tashkent.

“HAGOC has been very well prepared to deliver the Games on time despite global challenges,” pahayag ng OCA sa isang statement. “However, the above decision was taken by all the stakeholders after carefully considering the pandemic situation and the size of the Games.”

Ang Games ay nakatakda sa Set. 10-25 at sinabi ng OCA, COC at  HAGOC na wala pang bagong petsa para rito.

Ayon kay Tolentino, sa kabila ng pagpapaliban, ang pangalan at emblem ng 19th Asian Games ay hindi magbabago at naniniwala ang OCA na magtatagumpay ang Games sa pagtutulungan ng lahat ng partido.

Ang offshoot ng pagpapaliban sa Asian Games ay ang kanselasyon ng Third Asian Youth Games na nakatakda sa Disyembre 20-28 ngayon ding taon sa Shantou, China.

“After discussion with the COC and the Organizing Committee, the OCA EB decided that as the Asian Youth Games had already been postponed once, the Asian Youth Games Shantou 2021 will be cancelled,” ayon sa OCA.

Ang susunod na Asian Youth Games, dagdag pa ng OCA, ay gaganapin sa 2025 sa Tashkent, Uzbekistan.

“The OCA thanks Shantou Organizing Committee for its great work during the preparation phase,” ayon sa OCA. “We strongly believe that this effort will be beneficial to many different aspects of the development of the city, especially in the field of sport as well as for the promotion of Olympic spirit in Asia.”