NANAWAGAN si Senador Richard Gordon sa pamahalaan para sa agarang pag-take over sa Hanjin Heavy Industries Corporations-Philippines facility sa Subic upang maproteksiyunan ang teritoryo at kapangyarihan ng bansa, gayundin ang paglalaan ng trabaho.
“Mas maganda kung magawa na natin ang Hanjin para makapasok dito ng trabaho. Dapat gamitin natin iyan para sa seguridad ng bayan, lagyan natin ng Philippine Navy base diyan. Hindi lang Philippine Navy, dapat lagyan natin ng ship repair o ship building para magkaroon na tayo ng pagkakataong makagawa ng sarili nating barko. ‘Yung iba, puwede nating gawing industrial park. Ga-noon ang gagawin natin diyan para maayos, kumpleto na ‘yan kaya madaling ayusin,” ani Gordon.
Ipinanukala ng senador na magtayo ng naval engineering school o naval architecture school sa malawak na pasilidad nito.
“We should develop the country’s potential in the shipbuilding industry. We must involve ourselves in designing vessels. Step up our capabilities in naval architectural design. We are an archipelagic country, we must be able to build ships,” giit ng senador.
Nauna nang sinabi ng Malakanyang na bukas si Pangulong Rodrigo Duterte na i-take over ng pamahalaan ang Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines (HHIC-Phil).
Nabatid na ang HHIC-Phil. ay may total outstanding loan na $1.3 billion kung saan ang $400 million ay mula sa Philippine banks at $900 million ay mula naman sa South Korean lenders.
Dahil dito, humingi ng tulong ang shipbuilder sa pamahalaan para sa rehabilitasyon at makapaghanap ng investors na magte-take over sa operasyon nito dulot na rin ng problemang pinansiyal. VICKY CERVALES
Comments are closed.