HINILING ng isang kongresista sa Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga manggagawa ng Hanjin shipyard na maipadala sa New Zealand para roon magtrabaho.
Ayon kay ACTS-OFW partylist Rep. John Bertiz, mataas na ngayon ang demand para sa mga Filipino construction labor sa New Zealand dahil sa sumisiglang building at real estate market doon.
Aniya, 10 beses na mas mataas kumpara sa P537 na arawang minimum na sahod sa Metro Manila ang matatanggap ng isang construction worker sa New Zealand.
Sa katunayan, umabot, aniya, sa record high na $218.6 million o P11.4 billion ang remittance ng mga OFW sa New Zealand sa unang 11 buwan ng 2018, mas mataas ng 81.5% mula sa $120.4 million o P6.3 billion sa kaparehong panahon noong 2017.
Binanggit ng kongresista na nauna nang ipinalista ang daan-daang na-retrench na manggagawa sa Hanjin noong Disyembre para sa fuel pipeline sa Houston, Texas pero wala pa itong kasiguruhan sa ngayon dahil sa ipinatupad na temporary visa ban ng Estados Unidos.
Aabot sa 10,800 manggagawa ang apektado ng tanggalan sa Hanjin matapos itong magdeklara ng bankruptcy at tuluyang isara ang shipyard sa Subic Bay, Zambales. CONDE BATAC
Comments are closed.