HANOI SEAG,UAAP TAMPOK SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

TARGET ng Philippine Team na maidepensa ang overall championship sa pagratsada ng 31st Southeast Asian Games sa Mayo 12-27 sa Hanoi, Vietnam.

Gaano kahanda ang atletang Pinoy para maisakatuparan ang adhikain na manatiling lakas sa larangan ng sports sa rehiyon?

Sama-samang makinig at sumubaybay sa talakayan ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) Usapang Sports ngayong Huwebes, Pebrero 17, kung saan tampok na panauhin si Philippine Team delegation Chief of Mission Ramon ‘El Presidente’ Fernandez.

Hihimayin at susuriin ni Fernandez, commissioner din ng Philippine Sports Commission (PSC), ang mga isinagawang paghahanda at estado ng kahandaan ng delegasyon sa lingguhang sports forum sa alas-10 ng umaga via Zoom at livestream sa TOPS official Facebook page at YouTube.

Nakamit ng Team Philippines ang overall champion sa 2019 edition ng biennial meet sa Manila, tangan ang kabuuang 387 medalya, tampok ang 149 ginto

Makakasama ni Fernandez, nakatakdang parangalan ng PHLPost sa ilulunsad na ‘commemorative stamp’ sa Pebrero 26, sa ‘Usapang Sports’ na itinataguyod ng PSC, Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR, si National University athletic director Rustico ‘Otie’ Camangian.

Inaasahang ibabahagi ni Camangian, dating national volleyball player at opisyal ng Philippine Volleyball Federation (PVF), ang paghahanda ng NU Bulldogs para sa nalalapit na pagbubukas ng Universities Athletics Association of the Philippines (UAAP) sa Setyembre.

Ito ang unang pagkakataon na magkakaroon ng face-to-face tournament ang prestihiyosong collegiate league matapos ang dalawang taong pamamahinga bunsod ng lockdown sanhi ng COVID-19 pandemic.

Bago ang UAAP, nakatakdang sumabak ang Bulldogs para idepensa ang men’s volleyball title sa 20th ASEAN University Games na nakatakda sa Hulyo 26 hanggang Agosto 6 sa Ubon Ratchathani sa Thailand.