Happy 12th anniversary muna sa Pilipino Mirror. More power sa lahat ng masisipag na bumubuo nito. More years po.
Maswerte ang mga “thunders” na octogenarian at nonagenarian — 80-89 at 90-99 edad — sa batas na pinirmahan noong Pebrero 26, 2024 ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ito ang “Revilla Law” na inakda ni Sen. Ramon Bautista ‘Bong’ Revilla Jr. — na famous sa bansag niyang “Alias Pogi”, kasi guapo naman talaga siya.
Pag, halimbawa ako, ay sinuwerteng umabot sa edad 80, tatanggap ako ng cash gift na P10K, at pag na-extend pa sa edad 85, tatanggap ulit ako ng P10K.
Pag talagang sinuwerte na umedad ako ng 90, may cash gift uli ako na P10K, at pag umabot pa ako ng 100, bukod sa P100K mula sa national government, may additional pang cash gifts mula sa LGU kung saan ako nakatira, kasi, may kani-kaniyang ordinansa na nagbibigay ng dagdag na financial assistance sa mga centenarians.
Ganyan kung pahalagahan ni Idol Sen. Pogi ang mga elders na noong kabataan nila ay nag-ambag ng kanilang lakas sa paglago ng ating ekonomya.
Of course, malaking tulong ito sa gastusin ng mga matatanda at sa kanilang pamilya na nag-aalaga sa ating matatanda, e tayong Pinoy, kilala sa pagiging mapagmahal sa nakatatanda.
oOo
Si Sen. Bong ay junior ng Agimat King, dating Sen. Ramon Revilla Sr. na ang tunay na pangalan ay Jose Acuna Bautista — na ang screen name ay Ramon Revilla.
Sa unang pagtakbo ni Ramon, birth name niyang Bautista ang ginamit sa balota, minalas na natalo, kaya sa ikalawang pagtakbo niya, screen name niyang Ramon Revilla ang ginamit, hanggang ito na ang maging legal name nila — nang ngayon ay bantog na Revilla clan ng mga artista at politiko ng Cavite.
Unang nakilala bilang action star noong dekada 80 at 90, nagsilbing Cavite vice governor (1995-1998) at governor (1998-2001) si Bong at naging senador, 2004- 2016, ay bumalik noong 2019.
Bago naging politiko, naging tserman si Bong ng Videogram Regulatory Board mula 2002- 2004.
Sa kabila ng “batik” na naikapit sa kasong plunder noong 2013 at makalaya noong 2017, nang mapatunayang walang sala, ipinakita ng mamamayang Pilipino ang pagmamahal kay Sen. Bong nang muli siyang ihalal sa Senado noong 2019 hanggang kasalukuyan.
Kasi, naalaala ang maraming batas na iniakda at mga tulong na naiabot niya sa masang Pinoy, at ito nga, ang nabanggit na natin sa unahan ng kolum na ito, ito ngang amendments sa Centenarians Act (Republic Act No. 10868).
Every year, ayon sa batas, maaaring i-adjust ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang ibibigay na cash gifts na higit pa sa P10K para sa mga octogenarians (80-89) at nonagenarians (90-99) kasi nga dahil sa inflation at sa pagdami ng pangangailangang pisikal at medikal ng mga “old but gold” na lolo at lola natin.
Natatandaan ko sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Idol Bong na mahalaga na kilalanin ng estado at ng kasalukuyang henerasyon ang mahalagang papel na ginampanan ng mga lola at lolo na lampas sa 80 hanggang 99-anyos.
Sila ang nagsakripisyo, nag-aruga at nagmahal sa kasalukuyang henerasyon, kaya tungkulin ng estado na bigyang pagmamahal at kalinga ang mga tulad nila.
E lahat tayo ay tatanda, kaya ang tinatamasang ginhawa ng mga lolo at lola natin, aba, bunga ito ng pagpapahalaga sa kanila ni “Lolo” Bong na may bagong apo sa anak niyang dating vice governor at ngayon ay Cavite First District Cong. Ramon ‘Jolo’ Revilla III.
Isa pang batas na mahalaga ay ang inakda niya na Republic Act No.10054 (Helmet Law) na maraming naililigtas na buhay ng mga motorcycle riders.
Noon kasi, kahit walang suot na helmet, okay lang mag-motor, at ang epekto, maraming nalumpo at namatay dahil sa aksidente na walang suot na helmet.
Sa totoo lang, kahit pa may suot na helmet, kung malubha ang aksidente, may peligro na maging paralitiko o mamatay, pero malaki ang nabawas na aksidente at naging maingat ang mga riders sa Helmet Law ni Sen. Bong.
Pinalakas niya ang kilos ng gobyerno at LGU sa batas niya na Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act na ipinatutupad ngayon kaya maagap ang kilos sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, sunog at iba pang sakuna na gawa ng tao at ng kalikasan.
Lumakas ang disaster risk reduction and management ng lokalidad sa batas na ito na inakda ni Sen. Revilla, at isa pa, itong Open High School System(OHSP).
Bunga ng kahirapan o ng iba pang dahilan, may mga out of school youth na tumanda nang hindi nakatapos ng high school, pero sa OHSP, pwede nang makatapos ng high school ang isang “lagalag” na kabataan, bunga ng batas na ito ni Sen. Bong, di ba ang ganda nito, kasi nakatutulong na mabigyan ng oportunidad ang mga kabataan na mabigyan ng alternatibong edukasyon.
Kinikilala ni Sen. Bong ang mahalagang papel ng mga babae, ng ating mga nanay sa maraming larangan, kaya iniakda niya ang Republic Act No. 9710 (Magna Carta of Women).
Nakita niya na kailangang palakasin ang papel ng kababaihan — kasi hindi lang sila pambahay –, sila ay mahalagang lakas ng lipunan at ng gobyerno.
Nakita ni Sen. Bong, kailangan na maging kapantay ang lalaki at babae sa larangan ng buhay, yun bang magkaroon ng 50-50 gender balance sa matataas na posisyon sa gobyerno.
Sa batas na ito, dapat ay maipuwesto sa third level positions ang magagaling na babae sa gobyerno sa loob ng limang taon, kailangan din na maitaas pang lalo ang partisipasyon ng kababaihan sa lahat ng mga larangan.
E, magagaling naman ang mga babae at nakikita natin, hindi lang sa lakas na pisikal sila magagaling, kundi sa siyensiya, pulisya, militar, edukasyon, propesyon sa medisina, abogasya, batas at iba pa.
Kaya hahangaan mo si Sen. Bong sa totoong pagmamahal sa kababaihan sa batas na ito na Magna Carta of Women.
Eto pa — Republic Act No. 10630 (Juvenile Justice Welfare Council) na nagbibigay proteksiyon sa walang kamuwangan ng mga bata na 15 taong gulang o mas bata ang edad kung mangyaring maging law offender.
Ayon kay Sen. Bong, kailangan ay kalinga at pag-unawa at hindi batas ay ilapat sa mga batang ito at mas mabuti na ilagay sila sa programang magbubukas ng pagbabago sa isip at pananaw sa buhay.
At sa batas na ito, may iba-ibang intervention sa mga batang 15 hanggang 18 anyos na gagabay sa pagpaparusa at pagbabago sa kanila kung mapatunayang lumabag sa batas.
Nagulat kayo, ano, akala nyo walang batas na naipasa si Caviteño kababayan ng ating brand new National Press Club Director, Atty. Ferdie Topacio, na sabi niya sa akin, nararapat lang na suportahan uli kung tatakbo uli sa Senado sa midterm elections sa May 2025.
At nalaman ng inyong lingkod, maraming panukalang batas na nais na isulong ni Sen. Bong pag siya ay muli nating ipinuwesto sa Senado.
Ito yung pagpapatibay sa Universal Medical Law na kulang sa PhilHealth Insurance Law na awtomatiko, basta Pinoy citizen, bibigyan ng free medical services.
Pinag-aaralan na ni Sen. Bong ang modelo ng ganitong batas na mayroon sa Canada, at ang pagpapalakas ng hospital system, pagkakaroon ng data base at ang bawat pamilya ay magkaroon ng sariling family doctor.
Wanakosey, excited ako sa batas na ito, kaya isa ako sa boboto at ikakampanya ko si Sen. Bong na BFF ng kaibigan nating NPC Director, Atty. Topacio at BFF rin ng Idol at Boss ko na si Senate president pro tempore, Sen. Jinggoy Estrada.
Kailangan natin si Sen. Bong Revilla sa Senado.
Handa tayong mag-volunteer para siya ay maipanalo, at mga reader ko at kapwa botante, magtulong-tulong tayo na maibalik sa 2025 si Sen. Bong Revilla!
oOo
Para sa mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]