PANGASINAN- NILINAW ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang umano’y pangha-harass ng mga pulis sa biyuda ng nagpakamatay na onion farmer sa Bayambang sa lalawigang ito.
Sa isang panayam, inamin ni Azurin na totoong tinungo ng mga tauhan ng Bayambang Police ang tahanan ni Gng Merlita Gallardo bilang tugon sa kasulatan at utos ni DILG Provincial Director Virgilio Sison.
Paglilinaw ni Azurin na nagtungo ang mga pulis ay upang itugma ang nakalap na ulat sa petsa ng kamatayan ng mister ni Gallardo na noon pang Enero 2021.
“Gusto ng DILG ay magkaroon ng clarification tungkol doon sa mga ipinahayag ni Nanay Merlita doon sa Senate investigation. Unang-una ang gusto ma-clarify kailan po ba namatay ‘yung asawa ni Nanay Merlita dahil lumalabas sa kaalaman ng ating kapulisan na namatay ‘yung asawa niya noong January 19, 2021. So, parang pinagtutugma lamang po na hindi ho ngayon taon or nung nakaraang taon namatay yung asawa niya,” paliwanag ni Azurin.
Magugunitang lumabas sa ulat na mayroong limang onion farmers ang nagpakamatay dahil nalugi nang masalanta ang kanilang pananim na sibuyas.
Dahil sa ulat ng Senado ang nagbunsod para imbestigahan ng PNP subalit sa Facebook post ni Mayor Nina Jose Quiambao, itinanggi nitong walang magsasaka na nagpakamatay sa Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas.
Aniya, ulat sa kanilang Rural Health Unit at maging sa Bayambang Police Station ay walang kaso ng suicide ngayong 2023 at posible umanong ang tinutukoy ay ang pagpapakamatay ng isang magsasaka noong Enero, 2021 subalit dahil sa pananalasa ng harabas o army worms.
Dagdag pa sa FB post, dahil sa pagkalat ng balita ay inatasan ng DILG ang PNP na beripikahin ang ulat. EUNICE CELARIO