HARDEN AYAW PAAWAT; ROCKETS BINOMBA ANG KNICKS

James Harden-2

PATULOY si Houston superstar James Harden sa kanyang historic streak nang kumamada ng career-high at franchise-record 61 points noong Miyerkoles ng gabi, subalit si Eric Gordon ang nagsalpak ng biggest shot, isang 3-pointer, may 9 se­gundo ang nalalabi, na nagbigay sa Rockets ng kalamangan tungo sa dikit na 114-110 panalo laban sa host New York Knicks.

Si Harden ay umiskor ng hindi bababa sa  30 points sa 21 sunod na laro, ang fourth-longest streak sa kasaysayan ng NBA (sa likod ni Wilt Chamberlain). Si ‘Wilt the Stilt’ ay tumirada ng 30 points sa 25 sunod na laro noong 1960-61 season, sa 31 sunod na laro noong 1961-62 at 1962-63 seasons at sa 65 sunod na laro sa 961-62 season.

Ang 61 points ang pinakamarami ng isang player sa NBA game ngayong  season – gumawa si Kemba Walker ng 60 points para sa Charlotte Hornets noong  Nob. 17. Humataw naman si Kobe Bryant ng 61 points para sa Los Angeles Lakers noong Peb. 2, 2009.

PACERS 110, RAPTORS 106

Naitala ni Thaddeus Young  ang 12 sa kanyang 23 points sa fourth quarter at tumapos na may 15 rebounds nang gapiin ng Indiana ang bumibisitang Toronto.

Nagdagdag si Darren Collison ng 17 points, at tumipa si Bojan Bogdanovic ng 16 points para sa Pacers,  na nanalo ng tatlong sunod.

Gumawa si Serge Ibaka ng 23 points at 11 rebounds upang ­pangunahan ang Raptors, at nag-ambag si Kyle Lowry ng 20 points at 7 assists.

Sa iba pang laro ay naungusan ng 76ERS ang Spurs, 122-120; nilampaso ng Celtics ang Cavaliers, 123-103; pinadapa ng Hornets ang Grizzlies, 118-107; ginapi ng Pistons ang Pelicans, 98-94; pina­lamig ng Clippers ang Heat, 111-99; pinaamo ng Hawks ang Bulls, 121-101; nasilo ng Nets ang Magic,  114-110; at iginupo ng Jazz ang Nuggets, 114-108.