HARI NG LE TOUR (Dutch rider Meijers walang katapat)

Meijers

LEGAZPI CITY– Si­gurado na ang panalo maliban na lamang kung madisgrasya at magkaroon ng mechanical trouble sa daan, dumikit na parang linta si Dutch cyclist  Jeroen Meijers ng Taiyuan Miogee Cycling Team ng China sa kanyang pinakamalalapit na kalaban mula umpisa hanggang sa finish line tungo sa pagsikwat ng 10th Le Tour de Filipinas overall championship dito kahapon.

Tinapos ang five-stage event na may kabuuang oras na 20 hours, 38 minutes at 7 seconds,  nakopo ng 26-year-old semi-pro ang kanyang ikalawang Union Cycliste International (UCI) title.

“My race plan is to stake close with my rivals all throughout. It was a perfect run. Not flat tire, no leg nor stomach cramp. It’s very hot out there. No problem. I’m used to this kind of condition because I’ve been racing in tropical countries in Asia for three years,” wika ni Meijers.

“This is sweet. My victory indeed is memorable in the sense this is my first victory outside Europe and I achieved it in the Philippines in my first visit to this country.  I will never forget it,” sabi pa niya.

Bigo si El Joshua Carino ng Filipinas na maidepensa ang korona kung saan maaga itong nasibak sa torneo.

Ibunuhos ni German rider Mario Vogt ang kanyang lakas sa huling araw ng karera at maagang nagwagi sa final leg sa oras na 3:33:39, subalit tumapos lamang sa 12th sa final general classification (GC) standings. Gayunman ay nag-uwi siya ng $1,090 (P56,680) para sa kanyang stage win, habang nagbulsa si  Meijers ng $2,725 (P141,700) sa pagwawagi ng overall title.

Pumangalawa kay Vogt si local pride Dominic Perez ng 7-Eleven sa oras na 3:34.41, kaparehong oras na naitala ng anim na siklista, kasama ang dalawang Pinoy na sina Junrey Navarra ng Philippine National Team at Jericho Lucero ng Go for Gold.

Second overall si Choon Huat Goh ng Malaysia-based Terengganu Cycling,  45 segundo sa likod ni Meijers, habang pumangatlo si Australian rider Angus Lyons ng Oliver Real Food Cycling na may kabuuang oras na 20:39.45.

Pumang-apat ang African guest rider na si Daniel Habtemichael ng local team 7-Eleven sa oras na 2:40.20 at pumanglima si Sandy Nur Hasan ng PGN Road Cycling na kabuuang oras na 20:40.32.

Si Marcelo Felipe ng 7-Eleven-CLIQQ-Air 21 ng Road Bike Philippines ang best placed Filipino rider sa 11th overall sa oras na 20:40.43. CLYDE MARIANO