HARLOT KINAKALINGA NG MGA MADRE

HARLOT

KINAKALINGA ngayon ng isang grupo ng mga madre ang mga kababaihan na biktima ng prostitusyon, o kilala sa tawag na ‘harlot’ sa Banal na Bibliya, na nais nang magbagong-buhay.

Ayon kay Sr. Ailyn Binco, Mission Development Coordinator ng St. Mary Euphrasia Integrated Development Foundation, Inc., ang social welfare and development foundation ng Religious of the Good Shepherd (RGS), naniniwala silang sa pamamagitan nang pagkalinga sa mga harlot ay mu­ling maibabalik ang kanilang moral at dignidad bilang babae na kabilang sa mga anak ng Diyos.

“Once a woman undergo healing sessions, she regain her dignity and self-worth; she will reclaim that she is a child of God and will realize that God loves her unconditionally,” ayon kay Sr. Binco.

Kaugnay nito, nagpapasalamat naman ang mga harlots na natulungan ng naturang institusyon dahil nabigyan sila ng pagkakataong makabangon mula sa pagkakalugmok sa putikan.

Anila, napilitan silang pasukin ang prostitusyon dahil sa labis na kahirapan.

Sa tala, tinatayang humigit-kumulang 500,000 ang mga indibidwal na nasa prostitusyon.

Ibinahagi ni Sister Binco na apat na dekada na ang nakalipas nang simulan ng RGS sisters ang Ministry for Women in prostitution bilang bahagi ng kanilang misyon nang maitatag ang kanilang kongregasyon sa Pransya noong ika – 17 siglo.

Binibisita ng mga madre ang mga bar upang kilalanin ang kababaihang biktima ng human trafficking at makagawa ng hakbang na maalis ang mga ito sa prostitusyon.

Kabilang sa mga lugar na tinutungo ng RGS sisters ang Olangapo, Pampanga, Pasay, Ermita, Quezon Ave., Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Ma-kati (P.Burgos area) at sa Baclaran (airport road areas).

Batay sa tala ng United Nations Program on HIV and AIDS, nangunguna ang Filipinas sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng HIV/AIDS.       ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.