KAILANGANG harapin ni Harold Banario ang last-minute change sa kanyang fight plans para sa Brave 22: “Storm of Warriors” na nakatakda sa Marso 15, 2019 sa MOA Arena sa Pasay City.
Si Banario ay unang nakatakdang sumagupa kay Russian powerhouse Gamzat Magomedov, na umatras sa laban sa hindi ibinunyag na kadahilanan. Sa halip, makakalaban ni Banario ang bagong katunggali, sa katauhan ng kababayang si Ariel Oliveros.
Itinakda ang unang laban ni Banario, nasa kanyang promotional debut, sa Brave CF noong Disyembre ng nakaraang taon subalit napilitang umurong. Ngayon ay makakasagupa niya ang mapanganib na katunggali, sa katauhan ng kanyang kababayan.
Si Oliveros ay magiging ika-11 Filipino fighter sa unang biyahe ng promotion sa Manila. Galing siya sa submission loss sa kanyang Brave debut, kung saan napuwersa siyang mag-tap out mula sa ninja choke na ginamit ni Haider Farman ng Pakistan sa Brave 17 sa Lahore, Pakistan. Sisikapin ni Oliveros na makopo ang kanyang unang panalo sa Brave sa harap ng kanyang mga kababayan.
Samantala, ang comeback fight ni Gamzat Magomedov para sa Brave Combat Federation ay kailangang maghintay. Isa sa Russian prospects ng Brave, nalasap ni Magomedov ang disqualification loss laban kay JP Buys ng South Africa sa kanyang ikalawang Brave fight makaraang kumonekta ng illegal blow. Nauna rito ay nalusutan niya si Zech Lange tungo sa unanimous decision victory sa Brave 12.
Ang Brave CF 22: “Storm of Warriors” ay tatampukan ng title fight sa pagitan nina defending Bantamweight World champion at local hero Stephen Loman at challenger Elias Boudegzdame. Nakatakda rin sa makasaysayang laban ang debuts nina star Flyweights Jose Torres at Amir Albazi, na magbabakbakan para sa gold, habang target ni Cian Cowley ang 3-0 sa ilalim ng Brave banner sa kanyang pagsagupa kay John Brewin ng New Zealand.
Comments are closed.