HATAWAN NA SA FIVB CHALLENGER CUP

ASAHAN ang umaatikabong bakbakan sa opening day ng 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup kung saan maghaharap ang Sweden at Belgium sa knockout match ngayong Huwebes sa Ninoy Aquino Stadium.

Kampeon sa European Golden League sa Ostrava, ilang linggo pa lamang ang nakalilipas, dadalhin ng Sweden ang formidable team, sa pangunguna ni league Most Valuable Player Isabelle Haak.

Ipaparada naman ng Belgium, na tinalo ang Romania sa straight sets upang kunin ang  bronze sa European league, ang koponan na tinatampukan nina star outside hitter Britt Herbots  at  middle blocker Silke Van Avermaet.

Magsasalpukan ang Swedes at Belgians sa alas-5 ng hapon matapos ang showdown sa pagitan ng Puerto Rico at  Kenya sa alas-3 ng hapon sa torneo na hinost ng Philippine National Volleyball Federation na pinamumunuan ni Ramon “Tats” Suzara.

Makakasagupa ng European Golden League silver medalist Czech Republic, sa pangunguna ni outside hitter Michaela Mlejnkova, ang South American Volleyball Confederation’s Argentina, na pumangatlo sa 2019 Challenger Cup sa Biyernes, alas-3 ng hapon.

Galing sa gold medal finish sa Asian Volleyball Confederation Challenge Cup, susubukan ng Southeast Asia powerhouse Vietnam ang lakas ng Alas Pilipinas Women, na nagwagi ng bronze sa parehong torneo para iposte ang kanilang unang podium finish sa isang continental event.

Ang FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup ay isang knockout tournament na tinatampukan ng walong koponan mula sa limang continental confederations na naghahangad ng puwesto sa elite FIVB Volleyball Nations League sa susunod na taon.

Ang survivors sa unang dalawang match days ay uusad sa semifinals sa Sabado para sa third place at gold medal match sa Linggo.

Ang Puerto Rico ay kabilang sa unang nag-qualify para sa Women’s VCC, dinomina ang North, Central America and Caribbean Volleyball Confederation, o NORCECA, International League Final Four noong nakaraang taon.

Ang Kenya ay may ipinagmamalaking top-ranked women’s team sa African Volleyball Confederation at ang koponan na pinangungunahan ni captain at veteran middle blocker Trizah Atuka ay magkakaroon ng stop sa Pilipinas bago ang kanilang pagsabak sa ­Paris.

CLYDE MARIANO