HATAWAN NA SA PNVF CHALLENGE CUP

PAPAGITNA ang top collegiate, club at local government unit (LGU)-based teams ng bansa sa pagpalo ng  Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup simula ngayong Martes, November 7, sa Rizal Memorial Coliseum.

Dalawampung koponan sa men’s division at 16 sa women’s side ang maghahatawan sa 15 araw ng mainit na aksiyon —ang penultimate tournament na iho-host ng PNVF, sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara, ngayong taon.

Pinangungunahan ng three-peat UAAP champion National University at reigning PNVF Champions League titlist Cignal ang cast sa men’s division ng torneo. Ang NU ay nasa Pool B kasama ang RTU-Basilan, Arellano University, VNS Asereht at University of the East-Cherrylume, habang pinangungunahan ng Cignal ang Pool A kasama ang Kuya JM-Davao City, Savouge Aesthetics, Volida Volleyball Club at University of Batangas.

Ang PGJC Navy, 3B Marikina City, Angatleta-Orion, Bataan, Jose Rizal University at Plaridel, Quezon ay nasa Pool C, habang ang UAAP runner-up University of Santo Tomas, Tacloban City-EV, Iloilo D’Navigators, Santa Rosa City at Emilio Aguinaldo College ang bumubuo sa Pool D.

Sa women’s division, pinangungunahan ng two-time reigning NCAA queen College of Saint Benilde ang Pool A kasama ang Volida Volleyball Club, UP Volleyball Club at  Parañaque City.

Ang Pool B ay kinabibilangan ng Philippine Airforce, JRU, Davao City at Tacloban City-EV habang ang Arellano, Letran, University of Batangas at  RTU-Basilan ay nasa Pool C.

Binubuo naman ang Pool D ng University of the Philippines, San Beda, Lyceum of the Philippines University-Batangas at La Salle-Dasma.

Bubuksan ng St. Benilde at Paranaque ang hostilities sa alas-8 ng umaga sa women’s play na susundan ng salpukan ng RTU at Letran at La Salle-Dasmarinas kontra San Beda sa alas-10 ng umaga at alas-12 ng tanghali, ayon sa pagkakasunod. Sa afternoon games, sisimulan ng Cignal ang kanilang kampanya laban sa Savouge Aesthetics sa alas-2 ng hapon. Maghaharap ang NU at RTU sa alas-4 ng hapon, habang isasara ng UST at Sta. Rosa ang six-game sa alas-6 ng gabi.

CLYDE MARIANO