HATE CAMPAIGN SA CHINESE DAHIL SA NCOV ITIGIL

Rep Mike Defensor

NANINDIGAN ang isang kongresista na dapat nang itigil ang tinatawag na hate campaign laban sa mga Chinese national sa gitna ng pagkalat ng sakit na 2019 novel coronavirus.

Ayon kay Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa Balitaan sa Maynila, hindi dapat lahatin ng publiko ang mga Chinese dahil karamihan sa kanila ay matagal nang nanatili sa bansa at hindi naman nanggaling ng Wuhan, China kung saan nagmula ang nCoV.

Ang kanyang paha­yag ay kaugnay naman ng hakbangin ng Adamson University na nagbibigay abiso sa mga estudyanteng Chinese national na huwag munang pumasok at mag-self quarantine ng 14 na araw upang matiyak na hindi sila apektado ng nasabing sakit.

Ikinadismaya ito ng kongresista dahil tila isang uri ng diskriminasyon ito sa mga Chinese national.

Sinabi niya na wala namang nakikitang sintomas ng virus kaya dapat aniyang intindihin at respetuhin ng unibersidad ang sitwasyon ng mga Chinese national nilang estudyante.

Dagdag pa ng kongresista na walang basis o batayan para gawin ito ng unibersidad sa mga estudyante nilang Chinese national.

Nanawagan din si Defensor sa publiko na huwag hayaan ang mga malisyosong post sa social media , partikular sa Facebook laban sa mga Chinese national dahil ang Wuhan mismo aniya ay naglabas na ng travel restriction.

Matatandaan na naglabas ng memorandum ang Adamson University sa mga estudyante nilang Chinese na mag-self quarantine hanggang February 14, 2020. Gayunman, hu­mingi na rin ng paumanhin at iginiit na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan.

“In response to the worldwide precautionary measures against the nCoV, Adamson University would like to ensure a healthy and virus-free environment. Thus, we have made a decision that all Chinese students, both graduate and undergraduate, observe self-quarantine starting today until February 14, 2020,” ayon sa inilabas na memorandum ng Adamson University na inisyu noong Enero 31, 2020. PAUL ROLDAN

Comments are closed.