HATOL SA MAGUINDANAO MASSACRE IBABABA NA

MAGUINDANAO MASSACRE

NAKATAKDA  nang ibaba sa Disyembre 19 ang hatol laban sa mga akusado ng Maguin­danao massacre sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan nakadetine ang ilang akusado.

Sampung taon  na ang nakalilipas matapos ang pagpatay sa 58 indibiduwal na kinabibilangan ng 32 mamamahayag, na  itinuturing na  pinakamalalang ‘election related violence’ at ‘single deadliest attack’ sa mga miyembro ng media.

Kasama sa 197 na akusado at itinuturing na mga utak ng krimen ang magkakapatid na Ampatuan na sina Andal Jr., Zaldy, at Sajid.

Nobyembre  23, 2009 nang maganap ang pagpatay sa bayan ng Ampatuan sa Maguin­danao nang tambangan ng mga akusado ang convoy ng sinasakyan ng asawa, mga kapatid, at taga-suporta ng noo’y Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu, at mga mamamayahag.

Binigyan ng Korte Suprema  ng hanggang Disyembre 22 ang may hawak ng kaso na si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221  upang magbigay promulgasyon matapos pagbigyan ang kahilingan nito  para sa  30 araw na ekstensiyon.