HAWAHAN NG OMICRON SA LOOB NG BAHAY MAS MALAKI ANG TSANSA

MAS malaki ang tsansa na magkahawahan ng Omicron variant sa loob ng bahay kaysa sa Delta variant ng COVID-19.

Sa Laging Handa Public Briefing, nagbanta si Health Undersecretary Myrna Cabotaje na tinatarget ng Omicron ang mga household o sa loob ng pamamahay.

Batay sa pag-aaral, nasa 19 porsiyento ang hawahan ng Omicron variant sa household kumpara sa Delta na nasa 8.5 porsiyento lamang.

Ito aniya ang dahilan kaya mahalaga na magpabakuna na ang bawat isa.

Mayroon ding pag-aaral sa United Kingdom na mas malaki ang tsansa na matamaan ng Omicron variant ang mga bata at mga matatanda na hindi bakunado.