HAWKS GINULANTANG ANG CELTICS

UMISKOR si Dejounte Murray ng 19 points, nagbigay ng 15 assists at isinalpak ang go-ahead basket, may isang minuto ang nalalabi upang tulungan ang Atlanta Hawks na malusutan ang 30-point deficit at gulantangin ang bisitang Boston Celtics, 120-118, noong Lunes. 

Sinundan ito ni De’Andre Hunter ng 3-pointer upang palobohin ang kalamangan ng Atlanta sa 4 points, may 10.1 segundo sa orasan. Umiskor si Jayson Tatum sa isang tip-in, may 1.2 segundo ang nalalabi para sa  Boston, subalit nagawa ng Atlanta na ma-inbound ang bola matapos ang  timeout upang maubos ang bola.

Wala pang koponan ang matagumpay na nakahabol mula sa 30-point deficit laban sa koponan na may best record sa NBA magmula nang magawa ito ng Los Angeles Lakers kontra  Dallas Mavericks noong Dec. 6, 2002.

Naputol ang nine-game winning streak  ng Boston (57-15),  na nakuha na ang No. 1 seed sa Eastern Conference. Umangat ang Atlanta (32-39) sa 1-2 laban sa Celtics ngayong season at pinutol ang seven-game losing streak laban sa Boston.

Spurs 104,
Suns 102

Humataw si Jeremy Sochan ng 26 points na kinabilangan ng  game-winning 3-pointer sa final minute upang pangunahan ang San Antonio Spurs sa panalo laban sa bisitang Phoenix Suns.

Naglaro ang Spurs na wala si star rookie Victor Wembanyama dahil sa sprained left ankle.

Kumalawit din si Sochan ng career-high 18 rebounds para sa San Antonio. Nagdagdag si Devin Vassell ng 26 points habang nagtala si Zach Collins ng 18 at gumawa si Keldon Johnson ng 14 para sa Spurs (16-56), na pinutol ang three-game losing streak.

Nuggets 128,
Grizzlies 103

Nagsalansan si Nikola Jokic ng 29 points, 11 rebounds at 8 assists sa kanyang pagbabalik mula sa one-game absence at dinispatsa ng host Denver Nuggets ang  struggling Memphis Grizzlies noong Lunes ng gabi.

Umiskor si Christian Braun ng 17 points, tumipa si Reggie Jackson ng 15 points, nag-ambag si Julian Strawther ng 14 points at tumapos sina Michael Porter Jr. at Justin Holiday na may tig- 11 para sa  Denver (51-21), na 15-2 magmula noong  All-Star break.

Tumapos si Peyton Watson na may  10 points at  10 rebounds para sa Nuggets, na angat sa  Western Conference ng isang laro laban sa Oklahoma City Thunder.