NASIKWAT ng Atlanta Hawks ang kanilang ika-6 na sunod na panalo sa NBA sa pangunguna ni Trae Young ng umiskor ng three-pointer, may 7.4 segundo ang nalalabi sa overtime, makaraang pataubin ang Los Angeles Lakers, 134-132, at malusutan ang triple-double ni LeBron James.
Sablay si James, nagbuhos ng 39 points para sa Lakers, na sinamahan ng 10 rebounds at 11 assists, sa kanyang 31-foot three-pointer, may 1.2 segundo ang nalalabi, at nalasap ng Lakers ang ikatlong sunod na kabiguan.
Natapos ang regulation na tabla ang iskor sa 119-119 matapos masupalpal ang last-gasp three-point attempt ni Young ni Max Christie.
Tumapos si Anthony Davis na may 38 points, 10 rebounds at 8 assists subalit nagawa itong tapatan ng Atlanta sa pag-iskor ni Young ng 31 points na sinamahan ng 20 assists.
Celtics 111, Bucks 105
Nagbuhos si Jayson Tatum ng 34 points upang pangunahan ang Boston Celtics sa panalo kontra Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si Tatum ng 10 rebounds at 5 assists sa isa na namang clutch performance habang umiskor si Jrue Holiday ng 20 points at nag-ambag si Sam Hauser ng 16 points mula sa bench.
Sa panalo ay umangat ang defending NBA champions sa 19-4 sa ikalawang puwesto sa Eastern Conference sa likod ng early season NBA pacesetters Cleveland Cavaliers (20-3).
Nanguna si Damian Lillard sa scoring na may 30 points para sa Bucks habang nagdagdag si Giannis Antetokounmpo ng 30, subalit nahulog ang Milwaukee sa 11-11 record.
76ers 102, Magic 94
Umiskor si Paul George, nagbalik mula sa knee injury, ng 21 points at nagbigay ng 9 assists para sa Philadelphia 76ers sa kanilang panalo laban sa Orlando Magic.
Ang 76ers ay muling naglaro na wala si Joel Embiid, na may knee problem, at na-split nila ang home series sa Magic matapos matalo na wala si George noong Miyerkoles.
Pacers 132, Bulls 123
Kumamada si Tyrese Haliburton ng 23 points nang gapiin ng Indiana Pacers ang Chicago Bulls. Nagdagdag si Pascal Siakam ng 21.
Nanguna si Zach LaVine para sa Bulls na may 32 points subalit hindi napigilan ang Chicago na mahulog sa 10-14, ang kaparehong record ng Pacers.