HAYAANG PUBLIKO ANG HUMUSGA KAY DUTERTE – GO

SAP BONG GO

INIHAYAG  ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence “Bong” Go  na ang mama­mayan ang huhusga sa administrasyon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte at iyon ay makikita sa darating na halalan.

Sagot ito ni Go sa pahayag ni dating pangulong Benigno Aquino III na humimok sa mga ayaw sa administrasyon, na ikampanya ang  mga kandida­to ng oposisyon sa 2019 midterm elections.

“Hayaan na lang po natin na ang tao ang humusga,” pahayag ni Go sa broadcaster na si Erwin Tulfo sa isang radio interview.

“Mararamdaman ni’yo naman po siguro. Maglakad kayo sa kal­ye, kung safe po ang inyong mga anak, kung may pagbabago kayong nararamdaman. Hindi na po kailangan ipagmalaki kung ano po ang nagawa ng administrasyon ni Pangulong Duterte. Let the people judge,” dagdag ni Go.

Hinimok nito ang mamamayan na huwag magpaalipin sa negativity ng oposisyon  kun­di sa mga positi­bong pagbabago na si­nimulan ni Pangulong Duterte.

Nilinaw rin ni Go sa oposisyon na nasa mabu­ting kalusugan ang Pa­ngulo. “In fact, kitang-kita ni’yo naman kahapon, napakasigla at dalawang oras siya nagsalita kahapon. Inorasan ko nga e, dalawang oras siya nagsalita sa entablado. At nasabi niya lahat,” ayon pa kay Go.

Nasa Cebu si Duterte noong Martes upang mag­salita sa pagtitipon ng League of Municipalities of the Philippines.