HAZARD AT OT PAY SA MEDIA IGINIIT NI JIGGY

Jiggy Manicad

DAHIL karamihan sa mga mamamahayag sa darating na mga linggo ay tutungo sa iba’t ibang panig ng bansa upang mag-ulat ukol sa halalan, nanawagan ang batikang broadcast journalist at kandidato para sa Senado na si Jiggy Manicad na mabigyan ng higit na kabayaran ang mga miyembro ng media na mag-o-overtime at mapupunta sa mga delikadong lugar.

“Marami pa sa amin na walang overtime pay at walang hazard pay kahit na minsa’y ilang araw kaming nasa isang lugar at hindi makaalis o kahit na nalalagay ang buhay namin sa peligro,” ibinahagi ni Manicad sa isang panayam.

Ayon sa mamamahayag, na dati nang nasugatan sa EDSA III at ipinadala sa Typhoon Yolanda at Ondoy, dapat tutukan ng pamahalaan ang karapatan ng mga reporter lalo na’t dapat na magsilbing modelo ang industriya ng media para sa ibang kompanya.

Dagdag pa niya, “Gusto natin siguraduhin na bago natin sila ilagay sa coverage ay hindi nila iisipin ang suweldo nila, o kung may hazard pay sila o insurance, o kung mababayaran ba ang mga pangangailangan nila sa bahay.”

Binigyang pansin din ng mamamahayag ang karapatan ng mga miyembro ng media mula sa probinsya na ‘di gaanong napaki­kinggan sa mga isyu ng labor kumpara sa national media.

Aniya, nakalulungkot daw ito sapagkat ang mga mamamaha­yag sa mga probinsya ay kadalasa’y nagsisilbing tagabantay sa kapakanan ng taumbayan lalo na sa mga maliliit na munisipyo at bayan.

Kamakailan lang ay tumawag ng pansin si Manicad sa mga lokal na pamahalaan at sa pulisya sa isyu ng election-related violence pagdating sa media. Aniya, kailangan ding bantayan ang mga mamamahayag sapagkat ilan sa kanila ay pinapatay o sinasaktan habang nag-uulat ukol sa halalan.

Kung mahalal sa Senado sa darating na eleksiyon, nagpangako naman si Manicad na kanyang isusulong ang  karapatan ng mga mamamahayag pagdating sa suweldo.  PMRT

Comments are closed.