HD SPIKERS NAKABAWI

choco much

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – VNS vs NU-Sta. Elena
5:30 p.m. – PGJC-Navy vs Cignal

NAGING mapanghamon ang linggong ito para sa Cignal, na naharap sa pinakamatinding hamon sa Spikers’ Turf Open Conference.

“Itong week sobrang exhausted kami, parang roller coaster na masaya noong nanalo kami noong Tuesday and then biglang down noong Thursday na supposed to be sa amin na,” pahayag ni HD Spikers coach Dexter Clamor.

Bumawi mula sa five-set loss sa NU-Sta. Elena, naitala ng Cignal ang 25-20, 26-24, 25-18 panalo kontra VNS-One Alicia sa semifinals noong Sabado ng gabi sa Paco Arena.

Humalili kay injured Marck Espejo, si Louie Ramirez ay tumapos na may 16 points, kabilang ang dalawang blocks upang pangunahan ang HD Spikers.

Hataw si JP Bugaoan ng 3 blocks para sa 13-point outing habang nag-ambag si Chu Njigha ng 7 points para sa Cignal.

“‘Yung performance nila kanina even though wala si Marck, ‘yung mga nasa bench nag-perform, nag-contribute,” sabi ni Clamor.

Ang Griffins ay nakakuha ng pares ng 11-point outputs mula kina Ben San Andres at Kevin Montemayor subalit nasibak sa finals race na may 0-2 kartada.

Sa resulta, nakopo ng NU-Sta. Elena, tinalo ang PJGC-Navy, 25-21, 25-17, 26-24, upang umangat sa 2-0, ang isang puwesto sa best-of-three series para sa gold.

Pag-aagawan ng HD Spikers at Sea Lions, kapwa may 1-1 marka, ang nalalabing championship berth bukas ng alas-5:30 ng hapon sa parehong Paco venue.