(Health advocates sumuporta) BAGONG WHO PCV FINDINGS APRUB SA DOH

DOH

KAILANGANG repasuhin muna ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang National Immunization Program (NIP), partikular na ang Pneumococcal Vaccination Program for Children, sa gitna ng bagong mga ebidensiya mula sa World Health Organization (WHO) patungkol sa Pneumococcal Conjugate Vaccines (PCVs), ayon sa Department of Health (DOH).

Sa ilalim ng Universal Health Care Law, ang HTAC ay may tungkuling rebyuhin ang mga kasalukuyang programang pangkalusugan at benepisyo ng DOH at PhilHealth sa loob ng dalawang taon.

Dahil dito, hiniling DOH sa HTAC na repasuhin ang PCVs sa gitna ng mga bagong scientific evidence at sa malaking budget impact ng nasabing bakuna sa buong departamento, ani Health Secretary Francisco Duque III sa isang pahayag.

Ang hakbang na ito ay tila nagpapawalang-bisa sa PCV review na isinagawa ng DOH noong 2014.

Sinabi pa sa DOH statement na pansamantalang nakabitin ang pagbili ng  anumang PCV habang hinihintay ang HTAC na makumpleto ang kanilang pag-aaral.

Noong 2017, sinabi ng WHO na makaraan ang isang sistematikong literature review ay walang ebidensiyang magpapatunay sa pagkakaiba ng bisa ng dalawang bakuna sa merkado.

Inulit nila ito noong Pebrero 2019 nang kanilang sabihin na magkatulad lamang ng bisa ang dalawang PCVs – PCV 10 at PCV 13—sa pagpigil ng pangkalahatang pneumococcal disease sa mga bata.

Ang hakbang ni Duque na ipag­paliban ang tender at pagbili ng PCVs ay pinuri naman ng mga vaccine expert at health advocates.

Sinabi ni Medicines Transparency Alliance (MeTA) chairman at dating Bulacan governor Obet Panganganan na suportado niya ang hakbang ng DOH na isuspinde pansamantala ang pagbili ng PCVs hanggang nakumpleto na ng HTAC ang kanilang evaluation sa budget impact at ‘evidence-based suitability’ ng dalawang bakuna upang makapagbigay ng pinakamainam na benepisyo sa publiko.

Ganito rin ang naging pahayag ni Atty. Paula Tanquieng ng advocacy group na Ayus na Gamot sa Abong Kayang Presyo (AGAP) Coaliton.

Sinabi ni Tanquieng na suportado rin nila ang ginagawang pag-aaral muna ng HTAC sa nasabing mga bakuna dahil ang prosesong ito, aniya, ay kanilang isinusulong sa ilalim ng Universal Health Care Law upang matiyak ang evidence-based interventions.

Gayunman, idinagdag niyang umaasa silang hindi gaanong magtatagal ang nasabing pag-aaral upang hindi mapigilan ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng mahalagang bakuna.

“Maging ito man ay PCV 10 o PCV 13 ay ipinauubaya namin sa HTAC bagama’t gusto naming bigyang-diin na dapat suriing mabuti ng HTAC kung ano ang pinaka-cost effective sa mga bakunang ito,” dagdag pa niya.

Nauna ring nagpahayag ng opinyon sa isyu si Tom Syquija, dating Executive Director ng Procurement Service- Philippine Government Electronic Procurement System (PS-PhilGEPS),  na nagsabing mabuti para sa lahat ang magkaroon ng public bidding upang makita kung alin talaga ang pinakamabisa at pinaka-cost effective na bakuna para sa ikabubuti ng lahat.

Suportado rin ng parenting at health advocate at media personality na si Niña Corpuz ang hakbang ng DOH upang repasuhin ang PCV tender at sinabing dapat na magkaroon ng kalayaan ang sinuman upang pumili ng bakuna.

“Suportado ko ang hakbang na ito ng DOH dahil ang tinitingnan natin dito ay ang overall impact ng PCV na kalaunan ay pipiliin ng pamahalaan at anumang benepisyong idudulot nito para sa mga Filipino,” ani Corpuz.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na ang pagpapaliban ng bidding sa PCVs ay hindi makaaapekto sa supply ng nasabing bakuna at may sapat umano tayong supply nito hanggang kalagitnaan ng taon.

Comments are closed.