Ni CT SARIGUMBA
ABALA nga naman ang bawat estudyante. Ngunit hindi porke’t abala ay pababayaan na ang sarili.
Napakahalaga na napangangalagaan at napananatiling malusog at malakas ang pangangatawan ng bawat estudyante upang magampanan nila ang kani-kanilang responsibilidad o magawa ang mga kailangang gawin.
Ngunit isa sa laging kinaliligtaan o hindi nagagawa ng isang estudyante ay ang tamang pagkain. Dahil sa pagmamadali o kung minsan ay pagtitipid, hindi na nakakakain ng tama at sapat ang isang estudyante.
At dahil diyan, narito ang ilan sa mga Heath at Wellness Tips sa mga abalang estudyante:
IWASAN ANG HINDI PAGKAIN NG AGAHAN
Gaano man kaabala, ugaliin pa rin ang pagkain ng tama at masusustansiya. Oo ng’t laging nagmamadali ang bawat estudyante.
Laging naghahabol sa oras. Pero sa kabila ng kaabalahan, sa kabila ng kaliwa’t kanang kailangang gawin sa pag-aaral, maging maingat sa kinakain at piliin ang masusustansiya. Higit sa lahat, iwasan ang pag-skip o ang hindi pagkain sa tama.
Iwasan ang pag-skip ng pagkain. Sa totoo lang, ang advice na ito ang laging sinasabi pero lagi rin namang hindi sinusunod. Hindi rin kasi maiwasan ng marami sa atin ang kumain sa tama.
Pero lahat ng bagay ay may paraan. Ibig lamang sabihin, gawan mo ng paraan at iwasan ang puro dahilan.
BANTAYAN ANG DAMI NG KINAKAIN
Kapag pagod at puyat, napararami ang kain natin. Bumabawi nga naman ang katawan at isa sa paraan upang makabawi ay ang kumain nang kumain.
Sabihin mang healthy ang kinakain natin, kailangan pa ring bantayan natin ang dami ng ating kinakain.
SANAYIN ANG SARILI SA PAGKAIN NG HEALTHY SNACKS
Kapag nakadarama ng gutom, madalas na hinahanap-hanap ng ating panlasa ay ang matatamis na pagkain. O kaya naman, mga maaalat gaya ng junk food.
Kadalasan din, kapag nag-aaral tayo, naghahanap tayo ng mangunguya at ang laging nangunguna sa ating listahan ang junk food. Kapag oras ng meryenda, junk food at softdrinks din ang kinahihiligan natin.
Sa totoo lang, hindi nga naman talaga maiaalis ang pagkahilig natin sa matatamis na inumin at maaalat na pagkain. Nakasanayan na natin ito kaya’t mahirap nang ihiwalay sa pang-araw-araw nating buhay.
Gayunpaman, gaano man natin kagusto ang kumain ng mga junk food at uminom ng softdrinks, iwasan pa rin sapagkat nak-asasama ito sa kalusugan lalo na kung sobra-sobra.
Kung magutom man o maghanap ng makakain, mainam kung masusutansiyang pagkain ang kakainin o kahihiligan. Magbaon din ng healthy snacks nang masigurong masustansiya ang kakainin.
UMINOM LANG NG TAMA
Aminin man natin o hindi ngunit mahilig mag-party ang mga college student. Bilang magulang, hindi rin naman natin sila kailangang pigilan. Parte o bahagi iyon ng kanilang paglaki.
Gayunpaman, pagsabihan pa rin natin sila’t paalalahanan.
Sa panig naman ng mga estudyante, iwasan ang pag-inom ng maraming alak o mga nakalalasing na inumin. Drink in modera-tion, kumbaga. Huwag sumobra dahil hindi ito makabubuti sa katawan. Ang pag-inom din ng sobra o marami ay nagiging dahilan ng hangover.
Pero hangga’t maaari, iwasan ang pag-inom ng alak. Puwede pa rin naman kasing magsaya sa pamamagitan ng pag-inom lang ng juice.
HUWAG GAWING STRESS RELIEVER ANG PAGKAIN
Pagkain ang isa sa tinatakbuhan natin kapag nakadarama tayo ng pagod at stress. Matikman nga lang naman natin ang paborito nating pagkain, nawawala na ang pagod natin.
Minsan, kasa-kasama natin ang junk food kapag nag-aaral ng leksiyon. Oo nga’t nakahahalinang kumain ng junk food lalo na kung nai-stress ka sa pag-aaral.
Gayunpaman, huwag nating idepende ang sarili natin o nadaramang stress sa pagkain ng mga pagkaing hindi naman mabuti sa katawan. Panandalian lang ang naidudulot ng pagkain, hindi nito mawawala ang stress.
MATUTONG MAG-RELAX
Importante rin siyempre ang pagre-relax. Hindi dahil sa sobrang dami ng kailangang gawin sa eskuwelahan ay puro pag-aaral na lang ang aatupagin.
Matutong balansehin din ang mga bagay-bagay—sa pag-aaral, sa trabaho kung nagtatrabaho man habang nag-aaral, sa pamilya, lalong-lalo na sa sarili.
Ilan sa mga nakare-relax gawin ay ang pamamasyal kasama ang kapamilya o kaibigan. O kaya naman, pagbabasa ng mga libro. Puwede rin ang pag-eehersisyo.
Abala ang bawat estudyante. May ilan na pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Gayunpaman, panatilihing healthy ang katawan at isipan nang maabot ang tugatog ng tagumpay.
Comments are closed.