HEALTH EXPERTS, BUMUWELTA SA PAGKONTRA SA COVID-19 VACCINE

SAMA-SAMANG binweltahan ng mga kinikilalang health expert ang naging pahayag ng isang doktor nang kumalat kamakailan sa social media ang interview nito sa isang himpilan ng radyo na tumataliwas sa mga nag-aadbokasiya ng bakuna ngayong pandemya.

Sa ginanap na weekly Report to the Nation virtual forum ng National Press Club, sinabi Dr. Minguita Padilla, co-convenor ng Doctors for Truth and Public Welfare na disinformation ang ginagawa ng ilang doktor gayong hindi naman awtorisadong magsalita ng kanilang mga samahan sa medisina.

Ginawa ang pahayag matapos kumalat kamakailan sa social media ang isang panayam ni Dr. Romeo Quijano, professor mula sa Toxicology and Pharmacology ng UP Manila College of Medicine na nagsasabing mas delikado ang itinuturok na vaccine ng gobyerno kumpara sa kumakalat na virus ngayon lalo pa’t pinaplano ngayong mabakunahan ang mga kabataan.

Ani Dr. Padilla, hindi nakabase sa siyensiya ang mga naging pahayag ni Dr. Quijano kung kayat hindi ito dapat paniwalaan ng publiko.

Sinabi naman ni dating Health Secretary Esperanza Cabral, co-convenor din ng Doctors for Truth and Public Welfare na dapat disiplinahin ng mga kinaaanibang medical associations ang mga doktor na nagsusulputan na nagpapahayag ng pagkontra sa Covid-19 vaccines dahilan sa nalalagay lamang sa peligro ang mamamayan.

Kasunod nito, muling iginiit ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination at professor emeritus mula sa UP College of Medicine na ligtas gamitin ang mga itinuturok na bakuna ng pamahalaan kontra Covid-19 virus.

Paalala pa nito na panatilihin pa rin ang paggamit ng face masks at mag-physical distancing para mapababa ang mga nagsusulputang variants ng mapaminsalang virus.

Tama rin aniya ang ginagawang surveillance ng genetic mutation, masusing pinag-aralan din ang mga bakuna kaya naman dapat makinig sa mga doktor na may kredibilidad at iwasan ang mga sinasabi ng iilan na may conspiracy at false news sa likod ng bakuna. Benedict Abaygar, Jr.

8 thoughts on “HEALTH EXPERTS, BUMUWELTA SA PAGKONTRA SA COVID-19 VACCINE”

Comments are closed.