NAGPAALALA ang mga medical expert sa mga nagbibisikleta ngayong wala pang masasakyang bus at jeep para sa mga pumapasok sa trabaho.
Ayon kay Dr. Susan Mercado, hindi masamang magbisikleta, ito ay magandang exercise, pero dapat ay warm up muna, mag-exercise bago sumakay ng bike.
Payo pa ni Mercado, pakinggan ang katawan at kapag napapagod ay uminom ng tubig o pumunta sa lugar na malilim.
Biyernes ng umaga nang masawi ang isang construction worker na bumagsak habang sakay ng bisikleta at binabaybay ang EDSA patungo sa site sa Bicutan, Taguig Biyernes ng umaga.
Nakahandusay na sa kalsada ang biktimang si Enrique Minerva, 57-anyos, nang datnan ng mga rumespondeng tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMDA Edsa Traffic Management chief Bong Nebrija, ang biktima ay dating MMDA employee na ngayon ay nagtatrabaho sa construction matapos magretiro sa ahensiya.
Sa pahayag naman ng kaanak ng biktima, may sakit ito sa puso at masama umano ang pagbagsak ng ulo nito sa semento.
Isinugod pa ang biktima sa Makati Medical Center, ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Sinasabing ang pagbibisikleta ay ang bahagi na ng new normal pagdating sa transportasyon. PILIPINO MIRROR Reportorial Team
Comments are closed.