HEALTH OFFICIAL NAGBABALA SA MGA SAKIT SA TAG-INIT

Eduardo Janairo

NAGPALABAS ng paalala ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat laban sa mga sakit na nakukuha tuwing panahon ng tag-init.

Ang payo ay ginawa ni DOH – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Regional Director Eduardo Janairo, kasunod na rin ng nararanasang matinding init ng panahon sa bansa.

Babala pa ni Janairo, hindi dapat na manatili sa ilalim ng matinding sikat ng araw ang mga mamamayan upang makaiwas sa sunburn, mga sakit sa balat, heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.

Sinabi ng opisyal na hindi dapat na balewalain ang epekto ng panahon ng tag-init sa kalusugan dahil maaari itong magdulot ng seryosong karamdaman.

“It is best to stay at home or indoors dahil hindi lang COVID ang dapat nating iwasan ngayon kasama na rin dito ang sobrang init ng panahon na nararanasan natin. Hangga’t maari ay iwasan nating lumabas ng bahay mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon dahil ito ang pinakamainit na oras na makakapagdulot ng masamang epekto sa ating kalusugan,” ayon kay Janairo.

Kung nasa loob naman aniya ng bahay ay dapat na manatili sa bahagi ng bahay kung saan pinakamalamig at kung nasa labas naman ay manatili sa lilim at umiwas sa direct sunlight, magsuot ng maninipis at preskong damit, gayundin ng mga pananggalang sa init, gaya ng sumbrero at payong.

Dapat din aniyang tiyaking madalas na umiinom ng tubig upang makaiwas sa dehydration.

“Don’t forget to drink plenty of water to keep your body cool,” aniya pa.

Nabatid na noong Mayo 12, 2021, ang Sangley Point sa Cavite ay nakapagtala ng maximum heat index na 46 °C, samantalang ang Ambulong, Batangas ay nakapagtala ng 42 °C habang ang Tayabas City, Quezon ay 37 °C naman.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), ang pinakamataas na highest heat index ay naitala nila sa Dagupan City, Pangasinan na umabot 51°C noong Mayo 8, 2021.

Ang heat index ay ang temperatura na nararamdaman ng katawan o ang temperatura na nagbibigay ng comfort sa katawan ng tao.

“I urge everyone to take extreme caution as the hot temperature may continue during this summer,” ayon pa kay Janairo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *