PINAKALAMAKING bahagi ng pondo para sa Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala sa tawag na Bayanihan 2 at inilaan sa sektor pangkalusugan.
Ito ang sinabi ngayon ni Senador Sonny Angara, chairman ng senate committee on finance na nanguna sa pagratipika ng naturang panukala sa Mataas na Kapulungan.
Ani Angara, pangunahing layunin ng Bayanihan 2 na ipagpatuloy at palawigin pa ang tulong ng pamahalaan sa iba’t ibang sektor na nagdurusa hanggang sa kasalukuyan dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Nilinaw ng senador na bagaman halos P55 bilyon ang mapupuntang pondo sa government financial institutions, pinakamalaking bulto pa rin ang mapupunta sa mga programang pangkalusugan dahil nasasailalim lamang ito sa nag-iisang sektor. Ang pondo para rito, ani Angara ay P40.5 bilyon.
Mababatid na ang kabuuang pondo para sa Bayanihan 2 ay umaabot sa P165B, kung saan P140B dito ay regular appropriations, habang standby fund naman ang P25.5B.
Kabilang sa mga programang pangkalusugan ang patuloy na pag-empleyo ng emergency human resources for health (HRH); pagpapaigting sa kakayahan ng DOH hospitals; special risk allowance para sa mga pribado at pampublikong health workers at kompensasyon sa health workers na magkakasakit ng COVID o kaya’y papanaw dahil sa sakit na ito habang nakadetalye sa COVID patients. Kabuuang P13.5B ang inilaan ng Bayanihan 2 para sa mga programang ito.
Kaugnay nito, nagpahayag ang DOH na kakailanganin pa rin nila hanggang sa mga susunod na araw ang mga dagdag HRH upang mas mapalakas ang kanilang pagresponde sa mga kaso ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular sa mga lugar kung saan mataas ang bilang ng mga infected.
Mula nitong Hunyo, ayon sa report ng DOH, mayroon na silang 5,100 health personnel na na-recruit sa pamamagitan ng kanilang emergency hiring. Kakulangang 4,200 pa ayon sa departamento ang kailangang mapunan para mas mapaigting ang kanilang serbisyo.
“Matatandaan natin na nangako si Pangulong Duterte na sa ilalim ng Bayanihan 2, prayoridad sa mga programa ang health sector. Kabilang nga riyan ang additional hiring ng health personnel at ang pagkakaroon ng special risk allowance at benefits para sa kanila. Mapapansin naman natin na nasasagad na ang kakayahan ng ating health system kaya’t marapat lang na kilalanin ang kanilang pagsasakripisyo para lamang maisalba ang sambayanan sa krisis na ito,” ani Angara.
Kabilang sa mga kompensasyong matatanggap ng ating healthworkers, base sa naunang Bayanihan 1 ay P100,000 para sa health workers na hindi aasahang tatamaan ng COVID at P1M para sa mga papanaw kaugnay ng karamdamang ito habang nasa active duty. Sa ilalim naman ng Bayanihan 2, tatanggap ng P15,000 ang healthworkers na magdaranas nang mild to moderate case ng COVID.
Hinggil pa rin sa mga nakapaloob na pondo sa Bayanihan 2, may nakalaang P3 bilyon para sa pagbili ng PPEs, face masks, gowns, shoe covers at face shields na ipamimigay sa health workers, barangay personnel at sa mahihirap nating mga kababayan na walang kakayahang bumili alinman sa mga nabanggit.
Mahigpit ding hinihiling sa ilalim ng Bayanihan 2 na dapat suportahan ang lokal na industriya kaya’t kinakailangang magmumula sa Filipinas ang bibilhing PPEs.
May kaukulan namang P4.5 bilyong alokasyon para sa konstruksyon ng temporary medical isolation at quarantine facilities, field hospitals, dormitories para sa frontliners at sa pagpapalawak sa kapasidad ng mga ospital sa mga bansa.
Halagang P4.5 bilyon din ang inilaan para naman sa konstruksiyon at pagmamantine ng isolation facilities, gayundin ang billing ng hotels, pagkain at transportasyon na gagamitin sa pagresponde sa COVID cases.
Para naman sa hiriging ng tinatayang 50,000 contact tracers ng DILG, inilaan sa Bayanihan 2 ang alokasyong P5 bilyon para rito..
Para naman sa Covid testing at sa nakatakdang pagbili ng bakuna, may nakalaang P10 bilyon at ito ay nasa ilalim ng standby fund na P25.5 bilyon.
Kaugnay sa bakuna, ipinaliwanag ni Angara na bibilhin lamang ito ng estado kung ito ay aprubado at rekomendado ng World Health Organization o kaya nama’y kinikilala ng iba’t ibang health agencies sa buong mundo. VICKY CERVALES
Comments are closed.