HEALTH TIPS SA MGA MAY SAKIT

Health Tips

(Ni AIMEE GRACE ANOC)

SUMMER na! Summer ready ka na rin ba? May mga nakaplanong lugar ka na ba na nais mong pasyalan o ma­ging mga masasarap na kainan na nais da­yuhin? Handa na ba ang lahat ng iyong kakailanganin para sa tag-init?

Ngunit bago ang lahat,  handa na rin ba ang iyong katawan at kalusugan para rito? Paano na lamang kung ikaw ay may iniindang sakit o bigla ka na lamang sumpungin sa iyong bakasyon tulad ng high-blood, asthma, allergy at marami pang iba. Huwag mag-alala dahil narito ang ilang tips na maaaring makatulong sa iyo upang ma-enjoy ang iyong summer vacation.

PARA SA MAY ALLERGIES

Kung may allergic reaction sa anumang klase ng pagkain, gamot, inumin, kagat ng insekto o maging sa hangin, ugaliing magdala at huwag kalilimutan ang nararapat na gamot o cream para agad na malunasan ito kung saka-sakaling lumitaw sa oras na nag-e-enjoy sa bakasyon.

Marapat ding tandaan at iwasan ang anumang bagay o pagkain na maaaring maging dahilan ng pagsumpong ng iyong allergy. Huwag ding magkamot dahil maaaring mas lumala lamang ito.

Iwasan ding magkaroon ng anumang sugat sa balat dahil maaaring pasukan ito ng mikrob­yo na magiging dahilan nang paglala nito.

Kung ikaw na man ay may skin allergy, hanggat maaari ay iwasan ang pagbibilad ng matagal sa araw, uga­liing uminom ng maraming tubig at iwasang mag-swimming lalo na kung ikaw ay mayroon ng sugat sa balat.

PARA SA HIGH-BLOOD

Panahon na ng tag-init kaya naman panahon na rin ito upang ihanda ang iyong sarili sa anumang sitwasyon dahil maaaring ang iyong ina­asam na matamis na bakasyon ay mauwi sa heat-stroke.

Kaya naman dapat na maging alerto sa iyong blood-pressure at huwag kalilimutang inumin ang mga gamot na iyong kinakailangan. Ugaliin din ang pag-eehersisyo araw-araw at pagkain ng masusustansiyang pagkain. Iwasan ang maaalat, mamantika, paninigarilyo at stress.

Hangga’t maaari ay regular na magpakonsulta sa doktor nang wala kang maging problema sa summer vacation.

PARA SA MAY ASTHMA

Kung may hika naman, umiwas sa mga pagkaing ma-vetsin, soft-drinks, beans, pag­langhap ng maruming hangin o manatili sa maalikabok na lugar.

Mag-ingat din sa pag-inom ng gamot na hindi naman inireseta ng doktor. Huwag kalilimutang magbaon ng quick relief rescue medication.

Ilan lamang iyan sa sakit na maaaring lumalala ngayong tag-init kaya naman para sa isang matamis na summer vacation, umiwas sa anumang ipinagbabawal at panatilihing nasa magandang kondisyon ang katawan.

Palaging maging handa saan man magpunta at huwag kalilimutang magbaon ng gamot na kailangan at umiwas sa triggering factors na maaaring magpalala sa iyong sakit.

Isang masayang summer para sa ating lahat!

Comments are closed.