HEALTHCARE PROVIDERS PANANAGUTIN-DOH SEC.

SEC DUQUE

PANANAGUTIN ng pamahalaan ang healthcare providers at mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na sangkot sa mga fraudulent claims sa korporasyon.

Ito ang babala kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod na rin ng isyu hinggil sa pagsasamantala ng ilang healthcare providers sa pondo ng PhilHealth, at hinalang may kasabwat  silang  PhilHealth employees at officials.

“As the Health Secretary and ex-officio Chairman of PhilHealth, I am warning all health providers and PhilHealth officials in the strongest possible terms: do not cheat the system nor even attempt to do it,” anang kalihim.

Ayon kay Duque, nakalulungkot at hindi katanggap-tanggap ang naturang katiwalian dahil maraming mahihirap na Pinoy ang umaasa sa tulong na ibinibigay ng PhilHealth.

Aniya pa, dapat na itong matigil at tiniyak na pananagutin ang lahat ng taong mapapatunayang sangkot dito.

“Tama na ang hocus pocus. Maraming Pilipinong (sic) may sakit ang umaasa sa tulong na ibi­nibigay ng PhilHealth,” dagdag pa ni Duque.

“All false claims are to be investigated and when warranted, charges will be filed. Board members have also been asked to submit their courtesy resignation upon the order of the President,” babala pa ng kalihim.

Matapos na pumutok ang kontrobersiya ay kaagad nang ipinag-utos ng kalihim ang revamp sa accreditation committee ng PhilHealth.

Inatasan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng PhilHealth na maghain ng kanilang courtesy resignation, na kaagad namang sinunod ng mga ito.

Nabatid na nagtalaga na si Duque ng officer-in-charge ng PhilHealth sa katauhan ni Executive Vice President and Chief Operating Officer John Basa, kapalit nang nagbitiw na si Roy Ferrer.

Pinasalamatan rin naman ng kalihim si Pangulong Duterte dahil sa mabilis na pag-aksiyon sa naturang isyu.

“I am grateful to President Rodrigo Duterte for his robust leadership and swift action in this matter. I call for all of us to work together — the medical community, health providers, government units in the national and local levels, and the Filipino people — to fix the system and put an end to corruption and fraud,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ