HEALTHY EATING TIPS SA MGA ABALANG MAMAMAYAN

HEALTHY EATING

KAWALAN ng panahong gawin ang mga nakaatang na gawain, iyan ang isa sa problema ng marami sa atin. Dahil nga naman sa gipit sa oras, hindi na nakakakain ng masusustansiya. Minsan nga, wala nang kain-kain. Trabaho lang nang trabaho. Kulang nga naman ang buong araw para kumayod. Madalas ay ginagawa pang umaga ang gabi sumapat lang ang kita sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Marami man ang hindi na nakakakain ng maayos at tama sa oras dahil sa samu’t sa­ring dahilan, hindi pa rin ibig sabihin nu’n ay ­ipagpapatuloy ang nakagawian.

Sa pag-aaral na ginawa ng Harvard Medical School, napag-alamang may direktang epekto ang diet sa mental at emosyonal na kalagayan. Ito ay dahil sa ang serotonin na matatag­puan sa bituka ay nagpapadala ng signal sa utak para makontrol ang pagtulog, gana sa pagkain, at maging ang mood.

Nangangahulugan lamang ito na dapat ay kumain tayo ng masusustansiyang pagkain at tama rin dapat sa oras. At para mapaayos ang eating habits ng marami sa atin na talaga namang wala sa oras, narito ang ilang simpleng tips.

KUMAIN NG “TOTOONG” PAGKAIN

HEALTHY EATING-3Ang pagkain ang nagsisilbing “fuel” sa ­ating utak. Kaya dapat na piliin natin ang pagkaing masusustansiya sa agahan pa lamang nang mayroong reserba ang katawan sa buong araw.

Pero hindi maiwasan ng marami ang pagkain sa fast food lalo na kung walang panahong mag­luto. Order ka nga lang naman, makakakain ka na. Isa naman sa dapat na tandaan kapag kakain sa fast food ay ang maging wais at piliin ang mga kakainin. I-check ang calorie, fat, salt at cholesterol content ng mga kakainin.

Pero hangga’t maaari, “totoong” pagkain ang kainin at hindi kung ano-ano lang. Ganu’n din naman, gagastos ka. Kaya’t du’n ka na sa masustansiya.

UMINOM NG TUBIG

HEALTHY EATING-4Wala na nga namang ibang paraan para natural na malinis ang ating katawan at mapanatiling hydrated kundi ang pag-inom ng tubig. Kaya naman, huwag kaliligtaan ang pag-inom ng tubig. Makabubuti kung magbabaon nito saan man magtungo.

Oo, laos o gasgas nang paalala ang pag-inom ng tubig ngunit madalas naman itong nakaliligtaan o inisasan­tabi. Sadyang marami sa atin ang matitigas ang ulo. Pero para rin naman sa atin ang paalalang ito kaya’t magpursige naman tayo at sundin ito.

BAWASAN ANG SUGAR INTAKE

HEALTHY EATING-2Masarap kumain ng matatamis na pagkain. Ang ibang estudyante, sa coffee shop nagtutungo para mag-aral at mag-relax. Siyempre, hindi naman puwedeng hindi ka magkape at kumain ng dessert o matatamis na pagkain. Nakaeengganyo nga naman ang iba’t ibang klase ng cake at napakaraming choices ng mga inumin.

Oo nga’t malaki ang naitutulong ng sugar sa katawan dahil sa nakapagbibigay ito ng enerhiya. Ngunit mahalaga pa ring bawasan ang pagkonsumo nito. Ika nga, lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya tama lang dapat.

KUMAIN NG MGA PAGKAING SAGANA SA CALCIUM

Habang bata pa ay nararapat lamang na mahilig tayo sa mga calcium rich food nang mapangalagaan ang katawan. Marami akong kakilala na hindi nahilig sa calcium lalo na sa gatas noong maliit pa kaya’t ngayong tumanda na sila ay nagsa-suffer dahil sa sakit sa tuhod, pagkakuba at kung ano-ano pang kondisyon na may kinalaman sa buto.

Habang tumatanda kasi tayo ay humihina rin ang kakayahan ng ating katawang mag-absorb ng calcium.

Kaya ngayon pa lang, kahiligan na ang mga pagkaing mayaman sa calcium gaya ng gatas, yogurt, mga madadahong gulay gaya ng malunggay at cheese.

Kung ngayon pa lang ay nag-iingat na tayo, hindi tayo mahihirapan sa ating pagtanda.

Abala ang marami sa atin pero hindi ibig sabihin niyon, magpapabaya na tayo sa ating sarili. Dahil ang kapabayaang gagawin o ginagawa natin ngayon, aanihin natin iyan sa ating pagtanda.

Comments are closed.