(Ni CT SARIGUMBA)
HEALTHY na mga pagkain, iyan ang dapat nating ihanda sa ating mga anak. Maraming pagkain nga naman ang maaaring kahumalingan ng mga bata. Kaya’t nararapat lamang nating bantayan ang kinakain ng ating mga anak. Kailangan sa bahay din nagsisimula ang pag-tuturo natin ng pagkain ng healthy sa ating mga tsikiting.
At sa mga nanay na nag-iisip ng mga healthy food na ihahanda sa kanilang mga anak, narito ang ilang tips o ideya na puwedeng subukan:
FISH STICKS
Isa ang fish sticks sa puwede nating ihanda sa ating mga anak. Unang-una ay napakadali lang nitong kainin. Swak din itong dalhin sa kahit na saang lugar dahil wala itong sabaw. Healthy rin ito at masarap kaya tiyak na mauubos ito ng iyong anak kapag ito ang inihanda mo sa kanya. Puwede ka ring gumawa ng sawsawan na maibibigan ng iyong tsikiting.
FRIED RICE WITH VEGETABLES AND MEAT
Kung medyo tinatamad ka naman o walang panahong magluto, isa naman sa puwede mong ihanda ang fried rice with vegetables and meat. Kompleto na nga naman ito dahil may kanin na, gulay at karne na kailangan ng katawan para mapanatili itong malusog at malakas sa buong araw.
Marami ka ring puwedeng pagpiliang sangkap upang magustuhan ito ng iyong anak. Kumbaga, isipin ang mga paborito ng iyong anak at iyon ang gamitin sa lulutuin.
HOMEMADE HAMBURGERS
Isa sa kinahihiligan ng mga bata ang hamburger. Madalas din, kapag naghahanap o nagpapabili ng hamburgers ang ating mga anak, kaagad tayong nagpapa-deliver.
Ngunit kung hindi tayo ang mismong gagawa ng hamburger na ipakakain natin sa ating mga anak, hindi natin matitiyak kung healthy ba ito at malin-is.
Kaya naman, kaysa ang bumili o magpa-deliver, bakit hindi subukan ang magluto.
Kung mahilig sa burger ang iyong anak, puwede mo siyang ipagluto sa tuwing maghahanap ito. Sa ganitong paraan, matitiyak mo pang healthy ang iyong ginawang burger.
HOMEMADE SPAGHETTI
Isa pa ang spaghetti sa kadalasang kinahihiligan ng mga bata. Kakaiba nga naman ang dulot na sarap ng spaghetti.
At kung mahilig sa spaghetti ang iyong anak, panahon na para ipagluto mo siya. Simpleng-simple lang itong gawin. Puwede ka ring mag-experiment ng mga makabagong sauce na puwede mong ilagay sa noodles para maging kakaiba ito. Swak na swak ito sa kahit na anong panahon at pagkakataon.
HOMEMADE PIZZA
Isa pa sa type na type ng mga bata ang pizza. Sino nga naman ang aayaw sa pizza lalo pa’t sa amoy pa lang nito ay tatakamin ka na.
Malasa ito at talaga namang hindi nakasasawang kainin. Hindi lamang din sa mga pizza store natin ito puwedeng bilhin dahil kayang-kaya rin nating magluto nito sa bahay.
Para nga naman sa mas healthy na pizza, mas maganda kung ikaw mismo ang gagawa nang mapili mo ang mga ingredient na iyong ilalagay. Kaya para matuwa ang anak mo at ganahang kumain, isa ito sa puwede mong lutuin at ihanda sa mga tsikiting o kahit sa buong pamilya.
FRESH FRUIT KABOBS
Hindi rin siyempre puwedeng mawala ang mga fresh fruit. Alam naman natin kung gaano kapili ang mga bata pagdating sa pagkain. May ilan na ayaw kumain ng prutas kaya’t talagang mag-iisip ka kung paano ito maihahanda na magugustuhan ng mga bata.
At isa sa paraan ay ang Fresh fruit kabobs. Sa paggawa nito, maghanda lang ng makukulay na prutas at hiwa-hiwain ito. Pagkatapos ay tuhugin ito at ihanda sa mga tsikiting.
Siguraduhin lang na hindi matalas ang dulo ng stick na ginamit sa pantuhog.
Maraming simpleng paraan ng paghahanda ng pagkain na paniguradong magusgutuhan ng ating tsikiting. Maging madiskarte lang tayo.
(Images source: thecookierookie.com, yararadwan.wordpress.com at fromvalerieskitchen.com)
Comments are closed.