HEALTHY FOOD PACKS SA LAS PIÑAS IKINASA

Imelda Aguilar

SINAMAHAN na ng iba’t ibang klase ng gulay ng Las Piñas government ang kanilang inirarasyong food packs sa pinakaapektadong barangay sa lungsod kasabay ng ipinaiiral  na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Mayor Imelda Aguilar, kanya pang ini-order ang mga gulay na kalabasa, kamote, repolyo, sayote at patatas.

Sinabi ni Aguilar, na ang mga ipinamimigay niyang gulay ay karagdagan na masusustansiyang pagkain para sa mga residente ng lungsod hanggang sa muling pamimigay ng susunod na batch na food assistance.

Sa kasalukuyan ay nakapamahagi na ang lokal na pamahalaan ng 25,000 food packs sa 10 barangay kung saan napag-alaman nilang mayroon ditong mataas na bilang ng mga informal worker o nawalan ng trabaho dahil sa ‘no work-no pay’ scheme.

Ayon kay Aguilar, bukod sa mga gulay niyang ipinamamahagi ay patuloy pa rin ang distribusyon ng mga family food pack na naglalaman ng bigas, iba’t ibang klase ng canned goods at noodles.

Pinayuhan din ni Aguilar ang mga taga-Las Piñas na kumain na lamang ng mga masusustansiyang pagkain lalo na sa panahong ito ng krisis pangkalusugan upang manatiling malakas ang pangangatawan gayundin ang pag-iwas sa mga matatamis at maaalat na mga pagkain kabilang ang mga may artificial flavor at preservatives.

Pinaalalahanan naman ng alkalde ang mga residente na marapat na sundin na lamang ang pananatili sa kani-kanilang mga tahanan upang makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19). MARIVIC FERNANDEZ