INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health na isulong ang pagkakaloob ng mga masustansiyang pagkain para sa mga bata.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na nakatakdang makipagpulong din ito sa Department of Education para sa pagsusulong sa mga kabataan ng tama at masustansiyang pagkain.
Ito ay kasunod ng lumabas sa mga tala ng DOH na dumarami ang bilang ng mga batang obese.
Nakukuha ang nasabing kondisyon sa hindi tamang kinakain kaya pagdating sa mga edad 20 ng mga kabataan ay dinadapuan na sila ng mga iba’t-ibang uri ng sakit tulad ng diabetes, high blood pressure at iba pa.
Kaugnay nito, sinabi ng DOH na magbubuhos ng mas maraming resources ang bansa sa paglaban sa malnutrisyon sa unang 1,000 araw ng isang bata sa halip na tumuon sa mga programa sa pagpapakain sa hinaharap sa kanilang paglaki.
Sa kasalukuyang alokasyon, ang DepEd ay tumatanggap ng P12 bilyon para sa feeding program nito para sa mga mag-aaral sa elementarya, habang ang DOH na tumutugon sa mga buntis na kababaihan, mga sanggol at maliliit na bata ay mayroon lamang P500 milyon para sa iba’t ibang programa sa nutrisyon.
“Karamihan sa mga pondo ng ating gobyerno ay nasa huling bahagi ng undernutrition ng isang bata,” sabi ng kalihim.