NGAYONG holiday, maraming magkakaibigan at magkakapamilya ang nagpaplanong magtungo sa iba’t ibang lugar upang mamasyal at makapag-relax. Hindi nga naman pinalalampas ang pagsapit ng holiday upang makapag-bonding ang bawat magkakaibigan at magkakapamilya. Kaya’t karamihan sa atin, gumagawa ng paraan upang maisakatuparan ang dream o pangarap nilang makapaglaan ng oras at panahon sa pamilya sa tuwing sasapit ang holiday.
At dahil isa sa pangarap ng marami sa atin ang makapag-travel ngayong holiday, narito ang ilang healthy tips na dapat isaalang-alang:
MAGING ACTIVE SA BAKASYON
Marami sa atin na puro kain at tulog ang ginagawa kapag nagbabakasyon o nagtutungo sa ibang lugar. Dahil nga naman pagod na pagod sa katatrabaho, pagdating sa bakasyon ay halos ayaw nang lumabas ng kuwarto at nais na lang na humilata sa kama.
At bukod din sa katamarang gumalaw, isa pa sa hilig natin ay lantakan ang lahat ng klase ng pagkaing maisipan natin o kinatatakaman.
Sabihin mang pagod na pagod ka sa katatrabaho at nais mong magbawi ng lakas sa pamamagitan ng pagta-travel o pagtungo sa ibang lugar kasama ang buong pamilya, hindi pa rin tamang magkulong lang kayo sa kuwarto o hotel.
Para maging healthy ay mag-explore. Ibig sabihin, maging active at gumalaw-galaw. Dayuhin ninyo ang magagandang lugar na makikita sa inyong pinagbabakasyunan.
Importante rin upang manatiling healthy ngayong holiday ay ang pagiging maingat sa kakainin. Iwasan ang junk food, gayundin ang processed food. Kahiligan ang gulay at prutas.
Makatutulong din ang pagpaplano ng kakainin sa pupuntahang lugar nang masigurong healthy o mabuti ito sa katawan.
IWASAN ANG IN-FLIGHT COCKTAIL AT CAFFEINATED BEVERAGES
Sa biyahe ay hindi natin naiiwasang uminom ng cocktail gayundin ng mga caffeinated drinks. Kapag gusto nga naman nating mag-relax, umiinom tayo ng cocktails o alcoholic beverages dahil tingin natin, ito ang makatutulong na maipahinga an gating katawan at isipan. At kung nais naman nating maging alerto o gising, kape o mga caffeinated drinks ang kinahihiligan natin.
Ang pag-inom ng mga alcoholic beverages at caffineated beverages ay mayroong matinding epekto sa atin. Maaari nitong ma-enhance ang jet-lag symptoms gaya ng fatigue, pagkahilo at pananakit ng ulo. Nagiging dahilan din ito ng dehydration.
Para maging healthy sa biyahe o bakasyon, iwasan ang mga nabanggit na inumin at kahiligan ang tubig.
MAGSAYA AT IWASAN ANG KAHIT NA ANONG STRESS
Maraming kaakibat na problema ang pagta-travel kapag holiday. Una na nga riyan ay ang pagka-delay ng flight. Puwede rin namang magkaproblema tayo sa titigilang hotel o bahay. O kaya naman, ang makasalamuha ng mga pasaway na nilalang.
Gayunpaman, dahil alam naman nating napakaraming problemang maaari nating makasalamuha, ihanda na ang ating mga sarili. Imbes na ma-stress ay mag-isip ng ideya kung paano lalampasan o sosolusyunan ang kinahaharap na problema.
Magsaya rin ano pa man ang problemang kinahaharap. At hangga’t maaari, huwag na munang papasukan sa sistema ang stress.
Masarap ang mamasyal. Walang kasing sarap ang kumain ng iba’t ibang putahe. Gayunpaman, isaalang-alang natin ang ating kaligtasan ano’t ano pa man ang gagawin natin. Mas magiging masaya kasi tayo kasama ang ating pamilya kung healthy tayo, hindi lamang ngayong holiday kundi sa kahit na anong sandali. (photos mula sa pritikin.com,vitalrecord.tamhsc.edu, hawaiibusiness.com).