HEALTHY KITCHEN: ANO-ANO NGA BA ANG NASA LOOB NITO?

KITCHEN

PINAG-IISIPAN ng marami kung ano-ano ang mga bagay o produktong ilalagay nila sa kanilang kitchen o pantry. Samantalang ang iba naman, kung ano iyong gusto nila, iyon ang kanilang inilalagay na hindi man lang iniisip kung healthy ba ang mga ito o hindi.

Sa pamimili ng mga bagay-bagay o produkto, nasa sa atin ang desisyon kung ano iyong mga bibilhin natin. Una nga namang isinasaalang-alang natin sa pagbili ay ang pangangailangan nito. At ikalawang dahilan naman, dahil paborito ito o gusto ng ating buong pamilya.

Pero hindi lamang ito ang dapat nating isa­alang-alang kung mamimili tayo. Kailangang alamin din natin kung healthy ba ang mga bi­nibili natin.

Para mabigyan kayo ng gabay kung ano-ano nga ba ang mga dapat na nakalagay sa ating kitchen para maging healthy ang mga ito at maging ang ating pamilya, narito ang ilan sa mga puwedeng isaalang-alang o isama sa susunod nating pamamalengke o pagtungo sa grocery:

GREEN TEA

GREEN TEAKung may isa mang hindi nawawala sa  ating kusina o pantry, iyan ay ang kape. Ngunit bukod sa kape, isa pa sa dapat na kinahihiligan natin ang green tea.

Mayaman sa disease-fighting antioxidants ang green tea. Puwede itong mainit at puwede rin itong inumin ng malamig depende sa type o gusto mo. Nakare-relax din ang green tea kaya’t sa mga panahong hindi ka maka­tulog sa gabi, maaari kang uminom nito.

WHOLE-GRAIN PASTA

Hindi rin naman nawawala ang pasta sa paborito ng ating pamilya. Kung tutuusin nga naman, isa ito sa love na love ng mga tsikiting. Kahit saan nga naman, may mabibili kang pasta. Lagi rin itong available sa mga restaurant.

At dahil isa ang pasta sa paborito ng buong pamilya, para maging healthy ay maaaring subukan ang pagbili ng whole-grain pasta dahil mayaman ito sa iron, folic acid, at maging B vitamins.

EXTRA VIRGIN OLIVE OIL

Siyempre, hindi puwedeng mawala ang mantika sa ating mga kusina. Isa ito sa madalas nating ginagamit. Pero isang magandang opsiyon ang paggamit ng extra virgin olive oil para sa mas healthy na pagluluto.

HONEY

Tumatagal ang honey. Puwede itong ilagay sa green tea. Maaari rin itong inumin kapag may ubo ang miyembro ng iyong pamilya.

Maraming benepisyo ang honey, kaya’t next time na mamili ka, maaari mo itong isama sa iyong mga bibilhin.

PEANUT BUTTER

PEANUT BUTTERMahilig sa tinapay ang mga Pinoy. At si­yempre, kulang ang sarap ng tinapay kung wala itong palaman. Isa namang mainam na palaman ang peanut butter. Hindi lamang din ito sa tinapay puwedeng ilagay kundi maging sa crackers at ilang prutas gaya ng mansanas at saging.

CEREAL

Isa rin ang cereal sa hindi nawawala sa healthy pantry. Sa ilang pag-aaral, lumabas na ang regular na kumukunsumo ng cereal ay napapanatili ang timbang at maging ang healthy cholesterol level.

DARK CHOCLATE AT NUTS

May mga panahong naghahanap tayo ng matamis. Hindi naman nawawala iyon. At isang healthy at puwede mong bilhin ay ang dark chocolate. Nag-tataglay rin kasi ito ng disease-fighting polyphenols. Nakapagtataka man pero konektado ang tsokolate sa pagpapababa ng timbang. Ayon sa ilang pag-aaral, nakatutulong umano ito sa pagpapapayat.

Bukod sa dark chocolate, mainam din kung mayroon kayong nuts. Nakadaragdag ng flavor ang nuts gaya ng almonds, walnuts at pecans sa salad o kaya naman sa oatmeal.

HERBS AND SPICES

HERBS AND SPICESAng herbs and spices nga naman ay hindi nawawala sa bawat lutuin ng mga Pinoy. Pampasarap at pampabango ang mga ito. Bukod sa nakagawiang bawang, sibuyas at luya, puwedeng sumubok ng celery, cinnamon, nutmeg at fresh basil.

Marami tayong bini­bili kapag nagtutungo tayo sa palengke o kaya sa grocery. Pero ang tanong, healthy ba ang mga binibili mo para sa iyong pamilya?