DahiL sa iba’t ibang pagsubok sa buhay, darating tayo sa parte kung saan tanging ang paghahanapbuhay ang magiging sentro ng ating pag-iisip. Mamamalayan na lamang natin na nawawalan na pala tayo ng oras para sa ating pamilya at higit sa lahat sa pag-aalaga sa ating sarili. Ngunit paano nga ba magka-karoon ng healthy lifestyle kahit na abala sa pagtatrabaho?
Ano ba ang Healthy Lifestyle?
Una, dapat muna nating alamin kung ano ba ang healthy lifestyle at kung paano magkakaroon nito? Oo, mahirap panatilihin ang balanse sa pagitan ng pagtatrabaho at pagkakaroon ng maayos na kalusugan. Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ay hindi lamang tungkol sa pagkain ng masusustansiya o pag-eehersisyo nang regular kundi ang pagkakaroon ng healthy choices sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Hindi lamang ito nababase sa kung ano ang mga ginagawa upang maging malusog at makaiwas sa sakit, kundi maging sa pagkakaroon ng maayos na pag-iisip at espirituwalidad. Dahil ang pag-iisip ang kumokontrol sa bawat gawa at kapag mayroon kang healthy mind, magiging matalino tayo sa pagpili at magiging maingat sa pagpapasiya. Simulan natin ang healthy lifestyle sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maliliit na healthy changes araw-araw.
Pagkakaroon ng disiplina sa sarili
Kapag nagtatrabaho tayo sa labas o loob man ng opisina, hindi maiiwasang maakit tayo sa mga hindi masusustansiyang pagkain tulad ng mga pagkaing kalye na fishball at kikiam, at fast food na burger at fries, dahil bukod sa mura na, masarap pa. Maging ang pagsakay sa escalator at elevator kaysa pag-akyat sa hagdan.
Kaya naman sa ganitong mga pagkakataon, dapat na magkaroon tayo ng disiplina sa ating mga sarili. Limitahan natin ang pagkain sa labas at gumawa na lamang ng masustansiyang pagkain sa bahay na mababaon sa opisina. Gayundin, bawasan ang pag-inom ng kape na hihigit sa tatlong tasa sa loob ng isang araw dahil maaaring makapagpataas ito ng blood pressure, magkaroon ng heartburn, magdulot ng pagkanerbiyos o pagkabalisa, pamumulikat, palpitation, dehydration, insomia, at pananakit na ulo. Ugaliin na lamang ang pag-inom ng hanggang walong baso o higit pa ng tubig.
Gumalaw-galaw
Dahil sa pagiging abala sa trabaho, karamihan sa atin ay wala nang oras para makapag-ehersisyo. Kaya naman, kaysa sumakay ng sasakyan, mas mabuting maglakad kung malapit lang naman ang pupuntahan. Dahil bukod sa nakababawas ito ng timbang, nakapagpapatibay ng buto at nakagaganda ng mood o pakiramdam ay nakatutulong ka pa sa kalikasan dahil nakababawas sa polusyon sa hangin ang iyong sasakyan. Ang paglalakad ng 30 minuto araw-araw ay makatutulong sa pagpapababa ng blood pressure at nakababawas sa pagkakaroon ng chronic diseases tulad ng asthma, diabetes, at depresyon.
Sa pag-akyat at pagbaba sa gusali, piliin na lamang dumaan sa hagdanan kaysa sumakay ng elevator at escalator nang sa gayon ay makatipid sa enerhiya at mabawasan ang naipong taba sa matagal na pag-upo sa opisina. Kung matagal ding nakaupo sa harap ng computer, huminto muna at tumayo ng limang minuto.
Pamamahinga
Isa sa pinakaimportanteng paglaanan ng oras ang pamamahinga nang sa gayon ay makabawi ang katawan mula sa nawalang lakas sa buong araw. Dapat magkaroon ng hanggang walong oras na tulog sa loob ng 24 oras. Dahil may ibang panggabi ang trabaho, dapat na makahanap pa rin ng oras na makaidlip nang hindi lalampas sa 40 minuto dahil makatutulong ito upang patuloy na maging alerto at naibabalik din nito sa magandang kondisyon ang pag-iisip.
Isa rin ang stress sa matinding kalaban ng mga manggagawa kung saan kapag napabayaan ay nagiging sanhi ng depresyon at malalang sakit tulad ng heart disease. Kaya upang mabawasan ang nararamdamang stress sa trabaho, makatutulong ang pag-idlip panandali nang mapaganda ang pakiramdam.
Dapat ding maglaan ng isang araw na bakasyon sa trabaho sa loob ng isang linggo nang mabigyan ng oras ang sarili maging ang pamilya. Makabubuti rin ang pagre-relax o ang pamamasyal sa tahimik na lugar tulad ng mga parke. Bigyan ng pagkakataon ang sarili na makapag-enjoy kahit na panandali at makaalis muna sa kinakaharap na stress sa trabaho.
Ang mga ito ay ilan lamang sa maaaring makatulong upang maisabuhay ang healthy lifestyle na kinakailangan sa ating pang-araw-araw na paghahanapbuhay. Panatilihin ang maayos at malusog na pamumuhay nang humaba ang buhay. AIMEE GRACE ANOC
Comments are closed.