IMPORTANTE ang pagkakaroon ng healthy sleep habits. Pero ang ilan sa atin ay talagang hirap kung matulog.
Kaya’t sa mga nahihirapan diyang matulog, narito ang ilang simpleng tips o habits na maaaring subukan:
MAGKAROON NG RELAXING BEDTIME RITUAL
Maghapon nga naman tayong nagtatrabaho sa opisina at sa pag-uwi pa natin ng bahay, kailangang asikasuhin ang pamilya—mula sa kakainin, sa mga assignment ng anak at gayundin ang pakikipagkuwentuhan sa asawa sa nangyari sa buong araw.
Sa rami ng kailangan nating isipan, kung minsan ay nahihirapan tayong makatulog. Marami kasing gumugulo sa ating isipan. Maraming inaalala.
Dahil aminado naman tayo sa rami ng obligasyon o gawaing nakaatang sa atin, para kumalma at makaidlip o makatulog ng mahimbing, isa sa mainam gawin ay ang pagkakaroon ng relaxing bedtime ritual. Ilan sa mga relaxing bedtime ritual ang pagbabasa bago matulog. O kaya naman, paghihilamos, toothbrush at paglalagay ng cream sa mukha para ma-refresh ang skin.
Swak din ang pakikinig ng relaxing music nang makatulog ng mahimbing.
SIGURADUHING KOMPORTABLE ANG HIGAAN O KAMA
Sasarap din ang ating pagtulog kung komprotable ang ating kama o tinutulugan. Kaya naman, sig-uraduhing ang mattress, pillows at blankets ay malinis. Maaari ring gawing makulay ang unan at kumot nang mas ganahang matulog.
Maaari ring maglagay ng relaxing scent sa kuwarto. Makatutulong ito upang magkaroon ka ng maganda o mahimbing na tulog.
GUMAMIT NG MALAMYOS NA ILAW
Mainam din kung malamyos ang ilaw sa kuwarto ng makatulog ng mahimbing. Iwasan ang sobrang lakas na ilaw sapagkat daan ito upang mahirapan kang matulog.
Huwag ding gagamit ng gadget bago matulog.
May ilan sa atin na para mapagod ang mata ay naglalaro muna sa cellphone o tablet, o kaya naman ay nagpapakaabala sa mga social media site.
Hindi makatutulong ang ganitong gawi. Mas mahihirapan ka lang na makatulog. Iwasan din ang pagbubukas ng telebisyon.
Higit sa lahat, gumamit ng makapal na kurtina upang maharang ang ilaw mula sa labas nang hindi makapasok sa loob ng kuwarto.
Para makabawi ng lakas ay importanteng nakapagpapahinga tayong mabuti. Kaya naman subukan na ang mga nabanggit na paraan. (photos mula sa thrivemarket.com at wvumedicine.org)
Comments are closed.