AYON sa PAG-ASA, umabot na sa 36.8 ang pinakamataas na naitalang heat index sa Metro Manila ngayong taon. Sa tuwing maalinsangan ang panahon, hindi maipagkakaila na may iba’t ibang paraan ang mga Pinoy para maibsan ang init. Isa na nga rito ay ang pagkain ng mga malalamig na desserts.
Bukod sa tipikal na halo-halo, ice cream, mais con yelo, gulaman at ice-candy, maaari ring idagdag sa ating listahan ang mga smoothie. Hindi lamang ito nakakapresko sa ating katawan, marami rin itong mabuting benepisyo sa ating kalusugan. Ang mga babanggitin ay ilan lamang sa mga recipe ng masarap na smoothie na swak kahiligan ng pamilya at magkakabarkada. Narito ang ilan sa mga smoothie na puwedeng subukan:
MANGO SMOOTHIE (1 SERVING)
Para makagawa ng recipe na ito, ang mga kailangang ihanda ay ang hinog na mangga, 1 tasa ng yogurt o kaya naman gatas, 1 tasa ng crushed ice at asukal o honey.
Paraan ng paggawa:
Matapos na maihanda ang lahat ng sangkap, i-blend ang magkakahalong kalahating tasa ng ripe mango, 1 cup yogurt o milk, 1 cup ng crushed ice at magdagdag ng asukal o honey depende sa tamis.
Ang smoothie na ito ay mahusay upang bumilis ang ating panunaw.
BANANA GINGER SMOOTHIE
(1 SERVING)
Simple lang naman ang paggawa nito dahil kakailanganin mo lang ng saging, luya at gatas.
Sa paggawa nito, paghalo-haluin at i-blend ang 1 hiniwang saging, kalahating kutsarang dinurog na luya, at ¾ cup na gatas. Puwede ring magdagdag ng asukal o honey ayon sa tamis.
Nakatutulong naman ito na pabilisin ang ating metabolism at sa pagbalanse ng blood sugar level.
AVOCADO CUCUMBER SMOOTHIE
(1 SERVING)
Avocado, cucumber celery at malamig na tubig naman ang kailangan sa paggawa ng Avocado Cucumber Smoothie.
I-blend naman ang ½ cup na dinurog na avocado, ¼ cup ng hiniwang cucumber, isang tangkay ng celery at 1 cup na cold water.
Pinaniniwalaan naman itong mabuti sa ating kidneys at liver.
TROPICAL PAPAYA SMOOTHIE
(1 SERVING)
Sa mahihilig sa papaya, swak naman sa inyo ang tropical papaya smoothie. Sa blender, haluin ang 1 cup na hiniwang papaya, 1 cup ng yogurt, ½ cup na pineapple chunks at ½ cup crushed ice. Maaari ring magdagdag ng isang kutsarang coconut extract.
Ang smoothie na ito ay maganda naman kung gusto mong mag-detoxify.
APPLE LEMON SMOOTHIE
(1 SERVING)
Hindi rin siyempre puwedeng mawala sa listahan ng healthy smoothie ang apple at lemon. Sa paggawa naman ng Apple Lemon Smoothie, ang mga kakailanganin ay ang lemon, apple, saging at crushed ice.
Sa paggawa nito, paghaluin lang sa blender ang 1 apple, katas ng 1 lemon, 1 hiniwang saging at 1 cup ng crushed ice. Puwede ring maglagay ng asukal o honey kung gusto nang mas matamis.
Nakatutulong naman ito upang palakasin ang ating resistensiya.
Sa rami ng mga prutas na nasa season ngayon, maraming mga recipe ng smoothie ang maaaring mapag-eksperimentuhan. Hindi naman ito ganoon kahirap gawin o time consuming. Kaya, ang paggawa ng smoothie ay isang mabisang paraan upang ma-beat ang summer, the healthy way. RENALENE NERVAL (photo credits: positivehealthwellness.com, thetastybiteblog.com, coconutandberries.com at kimberlysnyder.com)
Comments are closed.