HEALTHY SNACKS SA BAGETS

HEALTHY SNACKS-1

NAPAKAHALAGA na napananatili nating malusog ang pangangatawan ng ating mga anak. Kapag malusog sila at malakas ang resistensiya, mailalayo natin sila sa mga nagkalat na sakit sa paligid. Hindi rin sila basta-basta mahahawa sa mga kalaro o kaklaseng sakitin.

Maraming vitamins ang swak sa pagpapalakas at pagpapalusog ng katawan. Gayunpaman, bukod sa vitamins na maaari nating mabili sa merkado, may mga pagkain ding puwedeng mapagkunan nito. May mga snack na masarap na ay healthy pa.

Isa sa hindi nawawala sa mga bata ang kahiligan sa pagkain ng merienda. Gustong-gusto nila ang iba’t ibang snacks na nakaeeng­ganyo sa paningin at panlasa. Sa hitsura pa nga lang naman, gaganahan ka nang kumain.

Narito ang ilan sa healthy snacks na puwedeng ihanda sa mga pihikang tsikiting:

CINNAMON-RAISIN SOFT PRETZELS

Isa sa kinahihiligan kong kainin ang pretzels dahil sa tamis at alat na lasa nito. Kakaibang lasa na kaysarap balik-balikan at kahiligan. Swak din ito sa mga tsikiting.

Ngunit hindi lamang mabibili ang pretzels dahil maaari rin itong gawin sa bahay lang. At para maging kid-friendly ang lasa nito, mainam ang paggamit ng white whole-wheat flour.

FRUIT SALSA

FRUIT SALSAAno pa nga ba ang mga nakaeengganyong pagkain sa mga bata kundi ang makukulay na pagkain. Kaya naman, napakahalagang bukod sa masarap ang ating inihahanda, kailangan ding tawag-pansin ang paghahanda nito para matakam ang ating bulilit.

Mahirap pa namang pakainin ng prutas ang bagets. Ang ilang bata ay mapili ta­laga sa kinakain at kung ayaw ang hitsura ng isang prutas, hindi na rin nila tatangkaing tikman.

At para maengganyong kumain ang ating mga tsiki­ting ng prutas, isang paraan ay ang paggawa ng fruit salsa.

Napakadali lang nito dahil pipili ka lang ng mga prutas na makukulay at masasarap. Pagkatapos, hiwa-hiwain ang mga ito at ilagay sa isang magandang lalagyan.

WHOLE-GRAIN CRACKERS AND PEANUT BUTTER

Dumarating din ang pagkakataong inaabot o sinasalakay tayo ng katamarang maghanda ng masarap at healthy na merienda para sa ating mga tsiking. Pero hindi naman problema kung tamarin man tayong magluto dahil may maipakakain o maihahanda pa rin tayo na tiyak na magugustuhan nila, at iyan ang crackers na mayroong peanut butter.

Masarap nga naman ang peanut butter at healthy pa ito dahil sa taglay nitong healthy fats at protein.

Kung hindi naman type ng mga tsikiting ang crackers, puwede ring i-dip sa peanut butter ang hiniwang mansanas o kaya naman sa­ging.

NO-COOK COOKIE BALLS

NO-COOK COOKIE BALLSHindi rin nawawala ang kahiligan ng mga bata sa matatamis na pagkain. Isa naman sa puwede mong ihanda sa kanila ang no-cook cookie balls. Bukod sa masarap ay napakadali lang din nitong gawin. Healthy rin ito kaya’t swak na swak ipabaon o ipakain sa mga mapiling tsiki­ting.

Para naman sa natural na tamis, mainam ang paggamit ng honey.

Sa mga gustong subukan ang no-cook cookie balls, ang mga kakailanganing sangkap ay ang almond butter, honey pampalasa, vanilla extract, rolled oats, mini dark chocolate chips at ground flaxseeds.

Paraan ng paggawa:

Ihanda ang lahat ng kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay pagsamahin ang almond butter, honey at vanilla sa isang lalagyan. Kapag nahalo nang mabuti, isama na ang oats, chocolate chips at flaxseed. Haluin ulit nang mabuti.

Kapag nasigurong halong-halo na ang mixture, i-roll na ito ng 1-inch balls saka ilagay sa parchment paper o kahit na anong lalagyang mayroon kayo. Kapag nagawa ng balls ang lahat ng mixture, ilagay na ito sa refrigerator sa loob ng 30 minutos.

Hindi mo na nga naman kailangan ng oven sa paggawa nito. Hindi mo na rin kakailanganin ng mixer dahil kayang-kaya naman itong i-mix gamit lang ang sandok. Kaya’t anytime rin na maghanap ang mga tsikiting nito, tiyak na magagawa mo kaagad. Masarap na, simple lang gawin at higit sa lahat, healthy pa!

Kung tutuusin, marami tayong mga pagkaing puwedeng gawin na bukod sa masustansiya ay maiibigan pa ng ating mga anak. ­Maging madiskarte lang, tiyak na makapagluluto ka ng masasarap at mapakakain mo ang pihikan mong tsikiting.  CT SARIGUMBA