HEALTHY SUPERFOOD SMOOTHIES

AVOCADO-3

(Ni CT SARIGUMBA)

MALALAMIG at masasarap na pagkain at inumin ang hinahanap-hanap natin kapag mainit ang panahon. Sa tulong nga naman ng masasarap at malalamig na pagkain ay nawawala o biglang nalulusaw ang init na ating nadarama at napapalitan ito ng magandang pakiramdam.

Ngunit bukod sa tipikal na halo-halo, ice cream, mais con yelo, gulaman at ice-candy, maaari ring idagdag sa ating listahan ang mga smoothie. Hindi lamang ito nakapagpapaganda ng pakiramdam kundi marami rin itong ma­buting benepisyo sa ­ating kalusugan.

At ngayon ngang ramdam na natin ang matinding init ng panahon, narito ang ilan sa mga smoothie na dapat nating kahiligan. Hindi lamang din ito mabibili sa mga restaurant o tindahan dahil kahit na nasa bahay lamang kayo, puwedeng-puwede ninyo itong subukan. Basta ba may mga prutas kayo na pangunahing sangkap sa smoothie at food processor o blender.

Kaya sa mahihilig sa smoothie o nagnanais na subukan ang paggawa nito sa tahanan ngayong mainit ang panahon, narito ang ilan sa recipe na maaaring subukan:

MANGO SMOOTHIE

MANGO-1Isa sa prutas na napakasarap kainin ang manga. Sa palengke man, grocery o sa mga nagtitinda sa tabi ng kalye ay makabibili ka nito. At ngayong mainit ang panahon, swak na swak gumawa ng mango smoothie.

Sa mga nais itong subukan, ilagay lang sa food processor o blender ang hiniwa-hiwang mangang hinog, 1 tasa ng yogurt o milk, 1 tasa ng crushed ice. Para magkaroon ng tamis, maaaring lagyan ng asukal o kaya naman honey.

Bukod sa masarap ang mango smoothie at napakadaling gawin, mainam din ito upang bumilis ang ating panunaw.

BANANA GINGER SMOOTHIE

Bukod sa mango smoothie, mainam ding subukan o gawing smoothie ang banana at ginger. Paghalo-haluin lang sa blender ang hiniwang saging, kalaha­ting kutsarang dinurog na luya, at ¾ na tasa ng gatas. Puwede ring magdagdag ng asukal o honey kung nais mong tumamis.

Hindi lamang ito nakatitighaw ng uhaw ngayong summer, nakatutulong din ito upang bumilis ang metabolism at sa pagbalanse ng blood sugar level.

AVOCADO CUCUMBER SMOOTHIE

Avocado at cucumber smoothie ang isa pa sa puwede nating gawin at ihanda sa buong pamilya ngayong summer.

Sa paggawa nito, pagsamahin lang ang ½ cup na dinurog na avocado, ¼ cup ng hiniwang cucumber, isang tangkay ng celery at 1 tasa ng malamig na tubig sa blender saka i-blend.

Bukod sa napakaraming benepisyong na­idudulot ng avocado at cucumber, pinaniniwalaan ding mabuti ito sa kidneys at liver.

TROPICAL PAPAYA SMOOTHIE

PAPAYA-1Papaya ang isa pa sa prutas na mabibili mo sa abot-kayang halaga. Dahil diyan, swak na swak ding gawing smoothie ang prutas na ito.

Sa blender, paghaluin lang ang hiniwang papaya, 1 tasa ng yogurt, ½ tasa ng pineapple chunks at ½ cup crushed ice.

Maaari ring mag­dagdag ng isang kutsarang coconut extract.

Maganda naman ito kung gusto mong mag-detoxify.

APPLE LEMON SMOOTHIE

Kung mahilig naman kayo sa apple at lemon, mainam din itong ga­wing smoothie.

Simple lang din itong gawin.

Paghaluin lang sa blender ang isang apple, katas ng isang lemon, 1 hiniwang saging at 1 cup ng crushed ice. Puwede ring maglagay ng asukal o honey.

Nakapagpapalakas naman ito ng resistensiya.

GREEN TEA AND MANGO SMOOTHIE

Mahilig ang marami sa green tea, gayundin sa manga. Sa umaga pa nga lang naman, marami na sa atin ang umiinom ng green tea.

Sa mga mahihilig sa green tea, subukan naman ang green tea and mango smoothie.

Ang mga kakaila­nganin sa paggawa nito ay ang honey, mango chunks, vanilla yogurt, green tea at ice o yelo.

Pagsamahin lang sa blender ang mga sangkap at makabubuo o makagagawa ka na ng Green Tea and Mango Smoothie.

Sa rami nga naman ng prutas na puwede nating gawing smoothie, siguradong makagagawa ka ng swak sa iyong pamilya.

Comments are closed.