(Ni CT SARIGUMBA)
ISA SA problema ng marami sa atin kapag nasa opisina ay ang pagkain ng healthy. Kapag nasa opisina nga naman tayo, hindi natin nababantayan ang ating pagkain. Kadalasan din ay junk food at soft drinks ang madalas nating nilalantakan.
Kailangan nating mapanatiling malusog ang ating pangangatawan upang magampanan natin ang mga nakaatang sa ating gawain—sa trabaho man o sa pamilya at sarili.
Kaya naman, narito ang ilang healthy tips sa opisina na kailangang gawin ng maraming empleyado:
IWASAN ANG PAG-SKIP NG BREAKFAST
Kapag maaga ang pasok ng maraming empleyado, laging nakaliligtaan natin ang mag-agahan. O kung minsan, hindi na natin maisip ang kumain ng agahan dahil sa pagpamamadali.
Gayunpaman, napakaimportante ng pagkain ng agahan lalo na kung nagtatrabaho ka. Kung gutom ka kasi ay mahihirapan kang maging active at maaaring hindi mo magampanan ng maayos ang iyong mga gawain.
Ayon din sa ilang pag-aaral, ang hindi umano pagkain ng agahan ay konektado o maaaring maging dahilan ng diabetes risks, obesity, and morning moodiness.
Hindi lang din kung ano-anong pagkain ang dapat nating kahiligan kundi mga masusutansiyang pagkain nang maiwasan ang mga sakit na nagkalat sa paligid.
MAGBAON NG PAGKAIN
Kakaunti lamang din ang choices ng pagkain sa opisina. Kung minsan, kung ano ang available ay iyon na lang ang pinagtitiyagaan nating kainin.
Kadalasan din, sa fast food tayo kumakain dahil ito nga naman ang pinakamadaling bilhin at abot-kaya rin sa bulsa.
gayunpaman, ang madalas na pagkain sa fast food ay hindi rin makabubuti sa katawan. kaya para mapanatiling healthy ang katawan sa opisina, makabubuti kung magbabaon na lamang ng pagkain gaya ng merienda at tanghalian.
Mainam din ang pagbabaon ng prutas. O mga pagkaing nakapagpapalakas ng katawan at nakapagpapatalas ng isipan.
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Gaano man tayo kaabala sa ating ginagawa, importante pa ring nakaiinom tayo ng tubig.
Marami sa atin na kapag nagsimula nang magtrabaho ay hindi na tumatayo kahit na nauuhaw na.
Mahalagang napananatili nating hydrated ang katawan. Kaya sa opisina, para hindi tamarin sa pag-inom ng tubig, makabubuti kung magtatabi ng tubig.
Makatutulong ang pagbili ng tumbler o kahit na anong lalagyan ng tubig para nga naman, kung mauhaw ay may maiinom kaagad at hindi kailangang tumayo pa.
Puwede rin namang lagyan ng kaunting flavor ang tubig. samahan lang ito ng ilang slice ng lime, lemon o cucumber.
MAGLAKAD-LAKAD AT MAG-STRETCH
Iwasan din ang pag-upo ng matagal. Nakangangalay nga naman at nagiging dahilan ng pananakit ng likod, balikat at ulo ang matagal na pagkakaupo.
Kaya iwasan ang pag-upo ng matagal. Sabihin mang napakarami mong gagawin, para mapanatiling healthy ang katawan, makabubuting maglakad-lakad sa loob lang ng opisina at mag-stretch.
MAGPAHINGA
Importante rin siyempre ang pagpapahinga sa pagitan ng pagtatrabaho. Oo, gusto nating matapos kaagad ang ating mga kailangang gawin kaya’t lagi o kadalasan nating ginagawa ay ang pagtatrabaho ng tuloy-tuloy. Hindi tayo tumitigil hangga’t ‘di tayo natatapos.
Nakapapagod din ang tuloy-tuloy na pagtatrabaho. Kung minsan din ay naisasaalang-alang nito ang kalidad ng ating ginagawa.
Hindi masama ang mag-break o ang magpahinga para ma-refresh ang isipan at katawan. Kaya naman, sobrang dami man ng kailangang tapusin, mahalaga pa ring nakapagpapahinga tayo. Halimbawa, may kailangan kang tapusin na gawain, kapag natapos iyon ay saglit na magpahinga bago ulit magsimula ng panibagong gawain.
LAGYAN NG DEKORASYON ANG LAMESA O OPISINA
Makatutulong din upang maging healthy tayo sa opisina kung lalagyan natin ng magagandang dekorasyon o palamuti ang ating opisina o lamesa.
Makatutulong din upang ganahan kang magtrabaho kung maglalagay ka ng picture at halaman o bulaklak sa iyong opisina. Nakapagbibigay rin ito ng buhay sa isang lugar.
Maraming tips para mapanatili nating healthy ang ating katawan sa opisina. Gaya na lang ng mga ibinahagi namin sa inyo.
Comments are closed.